Kalaboso ang isang pedicab driver matapos umano niyang ipagbili ang pedicab ng isang pulis na kanyang ipinamamasada sa Tondo, Manila, kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong theft ang suspek na si Renzon Unabia, 20, ng 355 St. Peter Street, Tondo, nang ireklamo ni PO3 Noel Benitez, 45, miyembro ng Philippine National Police (PNP) at residente ng 1209 Barcelona St., Tondo, Maynila.
Sa reklamo ni Benitez kay PO2 Genirth Bungay, ng Manila Police District (MPD)-Station 2, nabatid na ipinapasada ng suspek ang kanyang pedicab ngunit nitong Oktubre 17, dakong 8:00 ng gabi, ay hindi na umano isinauli ng suspek ang kanyang pedicab.
Dahil dito, hinanap ng pulis ang kanyang pedicab at natuklasang ipinagbili na ito ng suspek.
Inamin naman umano ng suspek ang ginawa kaya kaagad na niya itong inireklamo at sinampahan ng kaso.
(Mary Ann Santiago)