Sugatan ang isang binata nang tamaan ng ligaw na bala habang nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Isinugod sa Sampaloc Hospital ang biktimang si Ramon Logronio, 30, ng 171 D. Ampil Street, Sta. Mesa, dahil sa tama ng bala sa kanang hita.
Ayon kay Police Supt. Olivia Sagaysay, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 8, nakikipag-inuman ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa harapan ng kanyang bahay, dakong 3:01 ng madaling araw nang makaramdam ng pananakit sa kanang hita.
Nang tingnan umano ni Logronio, nakita niyang may lumalabas na dugo at napagtantong tinamaan siya ng ligaw na bala.
Kaagad namang isinugod sa ospital ng kanyang mga kaibigan si Logronio upang malunasan. (Mary Ann Santiago)