Lumahok si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa isinagawang rally kahapon sa harap ng Supreme Court (SC), ng mga taong sumusuporta at nananawagan para mailibing ang kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Ang rally ay isinagawa ng Marcos’ supporters sa harap ng mataas na tribunal sa Padre Faura St., Ermita, Manila.

Dakong 8:00 ng umaga nang dumating sa lugar ang supporters na naglakad pa mula sa Paoay Church sa Ilocos Norte.

Matapos ang naturang martsa na tinawag nilang “Kailian March,” nagdaos din ang grupo ng vigil sa lugar kagabi at doon na rin nagpalipas ng magdamag para antabayanan ang ilalabas na desisyon ng Mataas na Hukuman ngayong Martes—kung papayagan ba o hindi ang hero’s burial kay Marcos.

Eleksyon

Philip Salvador, masayang number 1 sa boto 'beshy' na si Sen. Bong Go

Si Gov. Imee ay nakiisa sa grupo at inaasahang dadalo rin sa final unity mass sa harap ng SC.

Sa panayam ng mga mamamahayag, natanong ang Gobernadora sa pahayag kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbigay siya ng tulong pinansyal sa kampanya ng Pangulo noong nakalipas na eleksyon.

Pinabulaanan naman niya ito at sinabing palabiro lamang talaga ang Pangulo at sinasabing maging siya ay nagulat o ‘napalundag’ sa pahayag nito.

“Wala namang katotohanan ‘yan. Palabiro lang ang Presidente Duterte, pinapalundag niya tayong lahat, pati ako, napalundag eh,” ayon kay Gov. Imee.

Inamin naman niya na sinuportahan niya ang kampanya ni Duterte at isa siya sa mga nangampanya sa kanyang mga kababayan sa Ilocos region para iboto si Duterte.

“Sinuportahan natin siya (Duterte) at walang kapalit,” pahayag pa niya.

Una nang ipinag-utos ni Duterte ang paglilibing sa dating strongman sa Libingan ng mga Bayani noong Setyembre 17 pa sana, ngunit hinarang ito ng mga taong tutol dito sa Mataas na Hukuman.

Inaasahan namang makapaglalabas na ang Korte Suprema ng desisyon sa naturang isyu ngayong araw. (Mary Ann Santiago)