Sa pagnanais na makatulong sa kanyang mga kaibigan, nagwakas ang buhay ng isang lalaki makaraang pagsasaksakin sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Tinangka pang isalba ng mga doktor ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang buhay ni Jhaymar Diaz, 21, ng Gate 16, Area D, Parola Compound, Tondo, Maynila ngunit huli na ang lahat.

Tinutugis naman ng mga awtoridad ang suspek na kinilala lamang sa alyas na “Tosong”, isa umanong tomboy, ng Gate 14, Parola Compound, Tondo.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nakikipag-inuman umano ang biktima sa kanyang mga kaibigan dakong 10:15 ng gabi sa Gate 15, Area D, ng Parola Compound, nang mag-away ang dalawa nitong kaibigan at kanyang inawat.

72 PDL's ng Manila City Jail, naka-enrol sa PUP Open University

Nang maawat, pinayuhan umano ang biktima na umuwi na lamang.

Gayunman, sa hindi malamang dahilan ay sinundan umano ng suspek ang biktima habang ito’y papauwi at nang abutan ay bigla na lamang pinagsasaksak at mabilis na tumakas. (Mary Ann Santiago)