MANAOAG, Pangasinan - Patay ang apat na pinaniniwalaang carnapper matapos umanong mangholdap ang mga ito sa isang gasolinahan sa Barangay Pao sa bayang ito, kahapon ng madaling araw.

Ayon sa paunang report ni Chief Insp. Dave Mahilum, hepe ng Manaoag Police, dakong 1:55 ng umaga nang mangyari ang sagupaan sa checkpoint ng pulisya.

Kinilala ang mga napatay na sina Rodrigo Batucan, 49, ng Olongapo City; Edwin Ignacio, 41, ng Bataan; Tomy Miranda, 41, taga-Laguna; at isang hindi pa nakikilala, na pawang dead on arrival sa ospital.

Unang namataan sa Perez Street sa Dagupan City ang umano’y carnapped na puting Mitsubishi FB van (PIX-956).

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Dakong 12:30 ng hatinggabi naman nang maitimbre ng mga residente sa checkpoint ng pulisya sa Bgy. Pao ang nasaksihan umano nilang pagpapalit sa plaka ng van.

Kasabay nito, inalerto rin ng mga tauhan ng gasolinahang Centrum ang pulisya kaugnay ng panghoholdap sa kanilang establisimyento ilang minuto pa lang ang nakalipas kaya naman sinita ang van, ngunit nagpaputok umano ang mga suspek.

Nakakumpiska naman ang Manaoag Police ng ilang armas sa lugar ng sagupaan. (Liezle Basa Iñigo)