Ginapi ng Far Eastern University Tamaraws ang Mary the Queen College of Pampanga, 87-81, para patatagin ang kampanya sa 14th Fr. Martin Division 2 Cup basketball tournament kamakailan sa St. Placid gym sa San Beda College-Manila campus sa Mendiola, Manila.

Sumandal ang Tamaraws sa krusyal na opensa nina Arvin Tolentino at Claude Miranda sa final period para makopo ang ikaanim na panalo sa pitong laro at manguna sa Group B senior division.

Naisalpak ni Tolentino ang three-pointer, habang pumuntos si Miranda ng dalawang free throw sa huling 46.6 segundo para masiguro ng Tamaraws ang isa sa apat na quarterfinal slot.

Nagwagi naman ang San Beda-B Red via default kontra St. Michael College of Laguna para sa 5-2 karta sa Group A.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Sa junior division, pinataob ng Chiang Kai Shek College Blue Dragons, sa pangunguna nina Shamasheh Banez at Reyland Torres na kumana ng double digit score, ang Xavier School Golden Stallions, 83-45, para sa ikatlong sunod na panalo sa Group A.

Sa iba pang laro, pinataob ng Letran Knights ang University of Perpetual Help-Molino, 91-65.

Umusad ang National University Bullpups sa 4-0 marka matapos gapiin ang San Beda-Rizal Red Cubs, 81-69, habang namayani ang Rich Golden Shower Montessori Center Spartans, sa impresibong 21 puntos ni Aries Galicia, kontra Makati Gospel College, 66-64.

Hataw naman si Harvey Pagsanjan sa naiskor na 17 puntos para sandigan ang Hope Christian School kontra Arellano University, 81-59.

Ayon kay Commissioner Robert de la Rosa, ang mangungunang apat na koponan sa Group A at B sa senior division ay uusad sa quarterfinals.