Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 122 Indonesian at 22 Malaysian na bumalik mula sa Hajj pilgrimage sa Saudi Arabia matapos umalis ng bansa na nagpanggap na mga Pilipino.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, ang mga bumalik na foreign pilgrim ay nabisto sa “Oplan Janus”, proyekto ng inter-agency, kasunod ng pagkakahuli sa 177 Indonesian na nagtangkang umalis sa NAIA noong Agosto.
Nabuking din ng mga awtoridad ang operasyon ng isang sindikato na nagbebenta ng Philippine passport sa mga interesadong dayuhan na maaaring sumali sa pilgrimage gamit ang Hajj quotas na nireserba ng Saudi government para sa mga Pilipino.
Ayon kay Morente, sinimulang subaybayan ng mga operatiba ng BI ang pagbabalik ng Muslim pilgrims noong nakaraang Hajj pilgrimage at marami ang naharang sa NAIA nang sila’y bumalik noong huling linggo ng Setyembre at unang linggo ng Oktubre.
Aniya, nasa kustodiya nila ang 122 Indonesian na nagsama ng ilang dayuhang pilgrim sa kanilang paglalakbay sa Maynila upang imbestigahan ang posibilidad na sila’y sangkot sa naturang raket.
“Our agents will continue to monitor arriving flights from Saudi Arabia until the second week of October and then Oplan Janus will cease,” sambit ni Morente, idinagdag na tuloy ang kanilang imbestigasyon sa anomalya bago sampahan ng kaukulang kaso ang mga sangkot dito. (MINA NAVARRO)