Maaari na ngayong mag-apply ng visa sa online ang mga may hawak ng Philippines passport na nais bumiyahe sa Taiwan at hindi na kailangang personal na magtungo sa Taipei Economic and Cultural Office (TECO) sa Pilipinas.

Ayon sa TECO, ang official representative office ng Taiwan, pabibilisin ng pinasimpleng visa policy ang pagpoproseso at makatitipid ng oras ang mga aplikante, makakaiwas sa traffic, abala at gastos.

Inanunsyo ng TECO na ang mga may hawak ng Philippine passport na nagnanais na magtungo sa Taiwan para magliwaliw, magnegosyo, bumisita sa mga kamag-anak, dumalo sa mga international conference at lumahok sa sport events ay maaaring mag-apply ng e-visa na may required non-refundable fee na babayaran sa pamamagitan ng credit card.

Ayon dito, kapag naaprubahan ang e-visa application, kailangan lamang magpresinta ng aplikante ng print-out ng e-visa sa immigration checkpoint para sa verification sa kanilang pagdating sa Taiwan. Ang e-visa ay valid ng 3 buwan simula sa petsa na ito ay inaprubahan at may stay up duration na hanggang 30 araw.

Politics

Salvador Panelo kay Imee Marcos: 'Ano pa iimbestigahan mo?'

Ang e-visa policy ay susubukan sa loob ng isang taon, ayon sa TECO.

Simula nitong Setyembre 1, pinaluwag ng Taiwan ang visa-free requirements nito para sa mga Pilipino na may hawak ng isa sa mga sumusunod na dokumentong inisyu ng Australia, Canada, Japan, Korea, New Zealand, alinmang Schengen countries, United Kingdom, at United States: valid resident o permanent resident card; valid entry visa (electronic visa included); o resident card o visa that has expired less than 10 years prior to the date of arrival in Taiwan.

(Roy C. Mabasa)