AYON sa SWS survey, nakakuha ng 76% approval rating si Pangulong Digong. Kuntento ang marami sa ating mamamayan sa kanyang pamamalakad sa loob ng 100 araw niya sa panunungkulan. Bagamat kapapanalo pa lang niya at bago umupo ay dumanak na ang dugo sa bansa.

Higit na naging madugo nang siya na ay nasa puwesto dahil araw-araw ay mayroong pinapatay sa pagtupad niya ng kanyang pangakong susugpuin ang krimen sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan. Mga sangkot sa ilegal na droga ang halos mga biktima.

Pero, may lumabas din sa survey na higit na marami ang nagsasabi na sana ay binuhay ang mga ito. Kasi, dapat tratuhin na ang pagkalulong sa ilegal droga ay sakit na dapat gamutin. Hindi naman naniwala rito ang Pangulo. Ayon sa kanya, ang taong lulong na sa droga ay lumiit na ang utak at kumitid na ang isip. Walang anumang uri ng rehabilitasyon ang makakapanumbalik pa sa normal na kalagayan. Kaya, aniya, lahat ng karumal-dumal na krimen ay nagagawa niya.

Pero, kahit aprubado ng marami ang ginagawa ng Pangulo sa kampanya niya laban sa ilegal na droga, hindi naman katanggap-tanggap sa iba ang mga walang hunos-diling pagpatay. Ang America, United Nations at iba pang bansa ay maingay ding tumututol dito. Kaya, nasabi ni Pangulong Digong sa kanila na huwag siyang pakialaman sa kanyang ginagawa dahil higit na alam daw niya ang problema ng kanyang bansa.

Mahigit sa 3 milyong katao, ayon sa kanya, ang mga lulong na sa droga, gumagamit man o nagbebenta. Hanggang hindi raw nauubos ang mga ito, hindi titigil ang naumpisahan na niyang kampanya laban sa kanila dahil ito lang umano ang paraan upang matiyak niyang ligtas sa kapahamakan ang mga susunod na henerasyon.

Hindi ko alam kung kailan magwawakas ang karahasang ginagamit ng Pangulo laban sa krimen, lalo na sa ilegal na droga.

Pero, ang alam ko ay may hangganan ito bago pa man maubos ang kanyang dinidigma. Sa loob kasi ng pamamaraang ginagamit niya ay may kalawang na sisira rito. Ang nagpapairal mismo ang gigiba nito. Tao rin kasi silang may kanya-kanyang ugali at kahinaan na mahirap ma-control kapag ginagamit na nila ang pamamaraan para sa kanilang sariling layunin at interes.

Kaya, ang kaligtasan at kapayapaang tinatamasa ngayon ng mamamayan ay pansamantala lamang, pansamantala rin ang approval rating ng Pangulo. (Ric Valmonte)