NGAYONG gabi, tampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ang mga kuwentong laman ng balita at naging viral nitong mga nakaraang linggo.
Nahuli nitong Lunes ng gabi sa Pampanga si Mark Anthony Fernandez na diumano’y may dala-dalang isang kilong marijuana sa sasakyan. Bukas sa publiko na dating nalulong sa ipinagbabawal na gamot si Mark at naipasok na rin sa rehab.
Pagkalabas, muli siyang nakabalik sa showbiz.
Paano haharapin ni Mark Anthony ang pagsubok na ito gayong kapag napatunayang guilty siya, maaari siyang makulong habambuhay?
Hindi lang isa, hindi lang dalawa, kundi tatlong magkakapatid na beki ang naging contestants sa Wowowin — sina Tikoy, Ugie at JM. Pinasalamatan nila ang kanilang ama na nagbagong-buhay na raw mula sa pagkakalulong sa droga. Pero higit sa lahat, lubus-lubos ang kanilang pasasalamat sa ina na buong pusong tinanggap ang kanilang pagkatao.
Samantala, aktibong gumagawa ng Vine video si Datu Jhoar Mocsin na lalo pang dumami ang followers nang isama na niya ang kanyang kasintahang si Suraina Akmad Ayob. Mala-showbiz love team nang tinututukan sa social media ang kanilang pag-iibigan. Hanggang nitong Mayo, nag-isang dibdib na sila saksi ang kanilang mga kababayan. Aalamin ng KMJS ang kuwento ng kanilang pagmamahalan.
Kikilalanin din ng KMJS ang Bulilit Rappers ng Makati na sumikat sa pagra-rap sa gitna ng kalsada ng Chino Roces.
Sila ang barkada nina John Rey, Andrew at Ralph. Relate na relate raw sila sa mensahe ng kanilang piyesa tungkol sa pagsubok at pangarap.
Mapapanood sila ngayong gabi sa Kapuso Mo, Jessica Soho, pagkatapos ng Hay, Bahay sa GMA-7.