Patay ang pitong katao, kabilang ang isang barangay chairman at kanyang kaanak, at isang dating barangay kagawad, habang mahigit 200 katao ang naaresto, kabilang ang umano’y commander ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF), sa ‘one-time, big-time’ police operations sa Islamic Center sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga nasawi si Barangay Captain Faiz Macabato, ng Barangay 648, Zone 67; dating Barangay Kagawad Malik Bayantol, at isang Gaus Macabato, kaanak umano ni Faiz, na isang high-value target at may P1 milyong patong sa ulo dahil umano sa pagiging big-time drug pusher. Habang hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng apat pang napatay na sinasabing pawang mga tulak ng ilegal na droga.
Samantala, aabot sa 263 katao, kabilang ang umano’y commander ng BIAF na si Sambetory Macaraas Sarip, 33, ang pinagdadampot ng pulisya sa operasyon.
Napag-alaman na dakong 9:00 ng umaga nangyari ang engkuwentro sa loob ng Islamic Center Compound at sa iba pang mga lansangan sa Quiapo at San Miguel, Maynila, partikular na sa Carlos Palanca, Fraternal at P. Casal Street, at sa tinaguriang “Vietnam Alley”.
Sa imbestigasyon ni SPO2 Jonathan Bautista, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), nagsimula ang engkuwentro nang isilbi ng mga pulis ang isang warrant of arrest laban sa isang Darius Macabato.
“Tumanggi daw ‘yung chairman (Faiz) hanggang sa magkaroon ng mainitang sagutan na nauwi na sa barilan at tinamaan ‘yung chairman sa dibdib at isa pa na nagtangkang tumulong bago isinugod sa Ospital ng Maynila,” ayon kay Bautista.
Agad nagtungo sa lugar si Manila Mayor Joseph Estrada upang personal na makita ang operasyon sa lugar na bihira umanong mapasok ng mga awtoridad sa dami ng mga kriminal na naglulungga roon.
“This shows that we are serious in our fight against illegal drugs,” ani Estrada at nanawagan sa mga Muslim leaders sa Islamic Center na suportahan ang kampanya laban sa ilegal na droga.
“Walang sinu-sino ang kampanya natin na ‘to, basta may atraso ka sa batas, kailangan mong pagbayaran but unfortunately, nanlaban siya kaya napilitan na rin ang MPD.”
Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Police Sr. Supt. Joel Coronel, nakakumpiska rin ang mga awtoridad ng dose-dosenang high-powered firearms sa pinangyarihan at 60 plastic sachet ng shabu na hindi pa batid ang halaga.
(MARY ANN SANTIAGO)