NON-BAILABLE ang kaso ni Mark Anthony Fernandez dahil sa one kilo ng marijuana na nakumpiska sa kanya nang mahuli siya sa San Fernando City, Pampanga last October 3.
Napanood namin kahapon ang interview ni Kara David sa News To Go sa GMA Channel 24 kay Chairman Benjamin Reyes ng Dangerous Drug Board (DDB), at maliwanag ang mga paliwanag niya tungkol sa paggamit ng illegal drugs tulad ng marijuana.
Nilinaw muna ni Kara ang sinabi ni Mark Anthony na bibili pa lamang siya ng marijuana sa dealer na kausap niya, kaya lang ay nahuli na nga siya at iyong dealer na kausap niya, na pwede sanang magbigay ng linaw sa kaso, nakatakas naman. Ang bibilhin daw niyang marijuana ay igagamot niya sa kanyang sakit.
“May sakit ako at since ayaw kong matulad sa sakit ng papa ko na namatay sa cancer, sinabi ng doctor ko na p’wede akong gumamit ng marijuana para kontrahin ang sakit ko,” paliwanag ni Mark sa presintong pinagdalhan sa kanya.
“Ang totoo 1992 pa na-approve na ang paggamit ng marijuana para sa sakit,” sabi ni Chairman Reyes. “Pero hanggang sa ngayon wala pang nag-a-avail nito. At iyong sinabi ni Mark Anthony na sinabi ng doctor niya na gumamit siya ng marijuana para gamutin ang sakit niya, mananagot ang doctor niya dahil hindi p’wedeng basta gumamit ng marijuana kung hindi ito aprubado ng FDA.”
May halong panghihinayang kay Chairman Reyes dahil alam pala niya nang magpa-rehab si Mark Anthony noon sa Bicutan at nang lumabas ito ay pinayuhan nilang sumali sa activities doon para magpatuloy ang rehabilitation nito at tuluyan nang gumaling.
At ipinaliwanag din ni Chairman Reyes na hindi na puwedeng magpiyansa si Mark Anthony dahil second offense na itong pagkakahuli sa kanya. At sa isang kilo lamang na nahuli sa kanya, hindi na talaga bailable ang kaso niya.
Ayon pa kay Chairman Reyes, hindi na shabu ang number one na illegal drug sa bansa kundi ang marijuana na. Ang dali raw kasing makakuha ng marijuana dahil napakadali nitong tumubo at dito raw nagkakaproblema ang authorities natin dahil akala mo lamang ay damo, pero marijuana na pala. Kaya kapag nakatuklas sila ng plantation, diretso na nilang sinusunog.
Nakakalungkot nga lamang na may bagong silang palang anak si Mark Anthony sa girlfriend niyang si Diane. Kung hindi kami nagkakamali, siya ang ikinuwento ni Mark Anthony noong kahihiwalay lamang niya sa wife niyang si Melissa, na may nakita raw siyang babae na isang model. Ang biro pa niya noon, liligawan niya at ito na raw ang magiging huling babae sa buhay niya.
Ayaw pang mag-comment ng ina ni Mark na si Alma Moreno at stepmon niyang si Lorna Tolentino. (NORA CALDERON)