INAMIN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na may mga mali o “lapses” sa drug matrix o listahan ng mga pulitiko, hukom, pulis, sundalo at iba pa, na isinapubliko kamakailan. Ang pinakamataas na nabanggit ay si Sen. Leila de Lima noong siya pa ang Kalihim ng Department of Justice (DoJ) sa ilalim ng administrasyon ni ex-Pres. Noynoy Aquino.
“I am sorry”, pahayag ng pangulo nang siya’y nagpunta sa Arayat, Pampanga kamakailan upang tingnan ang malaking shabu laboratory na natuklasan sa paanan ng Mt. Arayat sa Barangay Lacquios ng nasabing bayan. Humingi si Mano Digong ng apology kina Pangasinan Rep. Amado Espino Jr. (ex-Governor din), Board Member Raul Sison at ex-Provincial administrator Rafael Baraan na inakusahan niya bilang mga protector ng illegal drug trade.
Dagdag pa ng mapagmura at machong pangulo: “Hindi ako fried chicken kagaya ng iba”. Inaamin daw niya kapag siya ay nagkamali. Solo niya ang pananagutan sa pagkakamali kahit ang nakagawa nito ay mga tauhan niya. Kapuri-puri iyan, Mr. President, hindi katulad ng ibang lider noon na maraming SAF commando ang napatay sa Mamasapano incident ay pinagpipilitan pang wala silang kasalanan.
Matapang at palaban ang pahayag ni Sen. Leila de Lima sa mga ebidensiya na inilalabas ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II. Ang mga ebidensiya raw ni Aguirre sa pagsasangkot sa kanya sa umano’y illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP) ay peke, tulad ng wig o peluka ng Kalihim.
Pinagsabihan pa ng may “yagbols” na senador si Aguirre at ang Duterte administration na sa halip na siya ang tutukan at pagdiskitahan, higit na dapat pagtuunan ng pansin ang walang humpay na patayan (mahigit na sa 3,000) at pagkalulong ng mga menor de edad sa ilegal na droga. Maanghang na pahayag ni D5: “Sec. Aguirre’s alleged evidence against me is like his toupee, his wig--fake and cosmetics only. There is nothing into it other than that. Nothing authentic.” Hinamon pa ni Delilah, este Leila, na hubarin ang kanyang pekeng buhok para makita ng lahat.
Samantala, may plano si Aguirre na posibleng ipalabas ang umano’y tatlong sex video ni De Lima sa dating driver nitong si Ronnie Dayan. Ang pagpapalabas daw ay gagawin sa paglilitis kapag kinasuhan na ang senadora. Sabi nga ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko: “Masyado nang nagiging personal si Aguirre. Parang ginagaya niya si Pres.
Duterte. Sino ang maniniwalang may libog pa si De Lima gayong ito ay menopausal na at wala nang estrogen? Hindi kapani-paniwala na ang isang disenteng opisyal ay makikipagrelasyon sa kanyang tauhan.”
Iniulat noong Miyerkules na muling hinarass ng Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Pilipino sa Panatag Shoal na malapit lang sa dalampasigan ng Masinloc, Zambales. Aba, Ginoong Pangulo, hindi ba pinakikinggan ng Chinese government ang pakiusap mo na payagang makapangisda ang ating fishermen sa lugar na saklaw naman ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ)? Papaano tayo makikipagrelasyon sa kanila kung ganyang ginigipit tayo nang tahasan?
(Bert de Guzman)