Nagbabanta ang double celebration ng University of Santo Tomas sa beach volleyball ng UAAP Season 79.

Umusad kapwa sa semifinal ng men's at women's division ang UST belles makaraang magsipagwagi sa kani-kanilang karibal kahapon sa The Sands ng SM By the Bay.

Tinalo ng tinaguriang "Darling of the Crowd" na sina Cherry Rondina at Jem Gutierrez ang tambalan nina Roma Doromal at Aiko Urdas ng National University, 21-18, 21-16, para sa ikalimang sunod na panalo.

Nagwagi naman sina KR Guzman at Anthony Arbasto kontra sa tambalan nina Bryan Bagunas at Fauzi Ismail, 21-15, 21-14, para sa parehong 5-0 karta.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Sa iba pang laro, nakalapit naman tungo sa hinaangad na semis slot sina Bernadeth Pons at Kyla Atienza ng Far Eastern University sa naiposteng 21-16, 21-8 panalo laban kina Diana Carlos at Arielle Estrañero ng University of the Philippines.

Umangat ang Lady Tamaraws sa barahang, 4-1, habang bumaba naman ang Lady Maroons sa barahang 3-2.

Sa men's division, umakyat din ang Tamaraws sa 4-1 matapos magwagi ang tambalan nina Jude Garcia at Richard Solis kontra Alfred Balbuena at Wendel Miguel ng Fighting Maroons, 21-18, 21-16. (Marivic Awitan)