NAKATUTUWANG malaman na halos tatlong araw lamang ang nakalilipas matapos ang pamamaslang sa isang traffic enforcer sa Ermin Garcia Street sa Barangay Silangan, Quezon City ay nalutas agad ito ng mga pulis sa pamamagitan ng sayantipikong pamamaraan ng pag-iimbestiga at walang humpay na pagbuntot sa tumakas na suspek.
Maging ang suspek na si Geronimo Berdin Iquin, alyas “Jhun”, isang mekaniko na tubong Aparri, Cagayan, ay nasorpresa sa bilis nang pagkakahuli sa kanya ng mga operatiba ng Cubao Station-7 ng Quezon City Police District (QCPD), gayong ginawa niya ang lahat para mailigaw ang mga pulis na alam niyang tumutugis sa kanya.
Ang biktima sa kasong ito na naganap nito lamang nakaraang Biyernes ng umaga ay si Ernesto Paras Jr., 41, isang traffic enforcer na taga- Marikina City. Tinanggalan niya ng plaka ang isang kotse na ilegal na nakaparada sa may Ermin Garcia na ikinagalit naman ng may-ari ng sasakyan na si Alias Jhun. Mekaniko si Alias Jhun na pumarada sa lugar para puntahan ang isang truck na nakaparada sa ‘di kalayuang construction site.
Ngunit nang hindi niya mapakiusapan ang traffic enforcer na ibalik ang plaka ng kanyang sasakyan, nagalit ito, kumuha ng baril at pinagbabaril niya si Paras. Sinagasaan pa niya ito sa binti sabay patakas na pinahagibis ang kotseng may naiwang plaka na ZNH-231. ‘Di umabot nang buhay sa ospital si Paras.
Ang buong pangyayaring ito ay nakunan ng video sa pamamagitan ng mga closed circuit television (CCTV) camera sa paligid ng pinangyarihan kaya’t dito nag-umpisa ang imbestigasyon. Makaraan ang isang araw na pagpa-follow-up hinggil sa naiwang plaka na ZNH-231 - unang natagpuan ng mga imbestigador sa pamumuno ni Supt. Rolando M. Balasabas, hepe ng QCPD Station -7, ang itim na Honda Civic na iniwan ng suspek sa harapan ng bahay ng isa niyang kamag-anak sa Antipolo City.
Mula sa pinagtagni-tagning impormasyon sa mga kaanak ng suspek at mga nakatrabaho niya, nagsimula na ang mala-tagpo sa pelikulang pagtugis ng mga awtoridad sa suspek – umpisa sa Antipolo, papuntang San Miguel, Bulacan, sa Nueva Ecija, Santiago, Isabela, hanggang sa Tuguegarao at Aparri sa lalawigan ng Cagayan sa dulong norte ng Luzon.
Sa tulong din ng mga pulis sa dinaanang mga lugar, lalo na ni Chief Insp. Esteban Mendoza ng Aparri Police, unti-unting lumiit ang mundo ng suspek na si Alias Jhun, hanggang sa tuluyang siyang masakote sa tinutuluyang Dreamland Hotel sa Aparri, Cagayan.
Mabuhay kayong mga bagong lahi ng magigiting na imbestigador!
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]