kris-at-boy_1-copy

PARA kay Boy Abunda, walang problema kung nasa magkahiwalay na istasyon na sila ni Kris Aquino na magdadalawang dekada na niyang katrabaho sa telebisyon.

Ayon sa King of Talk, hindi na bago sa kanya na magkahiwalay sila ng programa ni Kris dahil nananatili pa rin namang matatag ang friendship nila.

“Well, we are always together ni Kris,” sabi ni Kuya Boy. “Sa totoo lang naman, pagkatapos nito, eh, magkikita kami ni Kris. Kumbaga, tuloy pa rin naman ang pag-uusap naming dalawa, so walang goodbye.”

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

May mga pagkakataon na rin naman noon pa na pinaghihiwalay silang dalawa sa magkaibang programa, pero ngayon lang mangyayari after mahigit labing-anim na taon ay magkaiba na ang TV network na paglilingkuran nila.

Kahit iba na ang lead manager ni Kris, si Kuya Boy pa rin ang namamahala para sa product endorsements ng Queen of All Media Kris kaya wala raw naman silang dapat ikalungkot. Hindi isyu sa kanila ang pagkakaroon ng ng bagong programa si Kris under Tape Productions ni Mr. Tony Tuvierra -- at malamang na ipalabas nga iyon sa GMA-7.

“Hindi na bago sa aming dalawa ni Kris ‘yan. We had our goodbyes in the past pero hindi bilang magkaibigan. I still do her contracts. We are still in constant communication with each other,” pag-amin ng premyadong TV host.

Siyempre, hindi naman basta-basta na lang maisasantabi ni Kuya Boy ang mga pinagdaanan nila ni Kris Aquino.

“Kami naman ni Kris kahit saan kami ilalagay, walang problema. Basang-basa namin ang isa’t isa. ‘Yung A&A Tonight, eh, it was very nice and very exciting. ‘Yung concept naman ngayon ng TWBA, e, may part pa rin si Kris dito,” pag-amin pa ng King of Talk.

Rebelasyon pa niya, bago pa man nila ginawa noon ang Aquino & Abunda Tonight nasa plano na ang ‘15 Minutes With Boy Abunda’.

“Alam ni Kris from the very start that it was material that I was thinking about. And of course, it became convenient for us to do a show together,” lahad pa ni Kuya Boy. (JIMI ESCALA)