Sa pagpapatuloy ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga, natukoy na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang 67 tinaguriang “ninja cops” sa Metro Manila.

Ayon kay NCRPO Director, Chief Supt. Oscar Albayalde, lumutang ang pangalan ng 67 pulis sa validation workshop sa Manila Police District (MPD).

Kinumpirma ni Albayalde na ang natukoy na mga ninja cop ay nakatalaga sa MPD, Quezon City Police District (QCPD) at Southern Police District (SPD).

Paliwanag ng opisyal, sangkot ang 67 pulis sa pangingikil at “pag-aayos ng kaso” kapalit ng malaking halaga na tinatawag na “bangketa”.

National

'Unahan ko na kayo!' Jam Magno, kusang sumuko sa CIDG sa Butuan City

Unang inihayag ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald “Bato” Dela Rosa na magpapatupad ng kakaibang operasyon ang pulisya laban sa mga ninja cop, ang “Oplan Tok-Bang”.

“Kakatukin natin ang bahay ng ninja cop at pagbukas ng pinto… bang!” matatandaang sinabi noon ni Dela Rosa.

Iginiit din ni Dela Rosa na ang mga pasaway na pulis, kabilang ang mga AWOL (absent without official leave) at patuloy na sumisira sa imahe ng pulisya ay ipatatapon niya sa Mindanao para isabak sa labanan kontra Abu Sayyaf Group (ASG).

Nabatid na 108 pulis na nahaharap sa iba’t ibang kaso ang una nang itinalaga sa Mindanao. (Bella Gamotea)