Humantong sa riot na ikinamatay ng drug lord at ikinasugat ng apat pang high-profile inmates, ang usap-usapan hinggil sa plano raw na pagpatay sa asawa ng isang preso, na kaibigan naman ng misis ng napatay sa insidente.
Ito ang nakasaad sa sinumpaang salaysay ni Jaybee Sebastian sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) tungkol sa nangyaring riot sa New Bilibid Prisons (NBP) nitong Setyembre 28.
Ang salaysay ay ibinigay ni Sebastian sa harap ng kanyang mga abogadong si Eduardo Arriba at Roxanne Sebastian.
Sinabi ni Sebastian na si Tomas Doniña, tagasunod ni Clarence Dongail, ang sumaksak sa kanya sa dibdib habang siya ay nanonood ng telebisyon sa mess hall ng Building 14.
Una umano siyang kinompronta ng dalawa hinggil sa alegasyong plano niya at ni Hanz Tan na patayin ang asawa ni Dongail na si Grace.
Sinabi ni Sebastian sa kanyang salaysay na si Peter Co ang sumita sa asawa ni Tony Co na si Jenny hinggil sa laging pagsama ng huli sa asawa ni Dongail.
“Sama ka nang sama d’yan sa asawa ni Dongail, sa dami ng ginawang katarantaduhan ng asawa n’yan baka gantihan si Grace at imbes na ang bala para sa kanya ay ikaw ang sumalo,” sinabi umano ni Peter Co kay Jenny.
Sinabi naman umano ni Dongail kay Sebastian na narinig umano ni Peter Co na pinaplano nina Sebastian at Tan ang pagpatay sa asawa ng una.
“Isa nga raw ako at si Hanz na madalas doon kaya narinig lang daw ni Peter Co na ako at si Hanz daw ang nagpaplano para patayin ang asawa ni Major Clarence. Pero nakatawa si Major Clarence habang ikinukuwento sa akin,” ayon kay Sebastian.
Kasunod nito, sinabi umano ni Doniña na, “Kalimutan na natin ‘yang mga ganyang issue” at saka umalis.
Makalipas ang ilang sandali, pumasok umano sa kubol sina Peter Co, Tony Co at Vicente Sy, at sinabi umano ni Sebastian kay Dongail na “speaking of the devil, ayon na ‘yong gago.”
Pumunta rin umano sa kubol si Dongail at nagpatuloy sa panonood ng telebisyon si Sebastian hanggang bigla umanong saksakin ang huli ni Doniña, gamit ang icepick.
“Ako ay agad nag-roll palayo sa kanya at siya ay aking hinarap at sinalag ang iba pa niyang mga saksak,” ani Sebastian.
Doon umano dumating ang mga miyembro ng Special Action Force (SAF), at tinutukan ng baril si Doniña na agad namang itinapon ang icepick.
Tumakbo umano si Sebastian sa gate at nagpapasugod sa ospital. “Pero habang nangyayari ‘yon ay sumisigaw ako nang ‘Sir! Sir! Sir!’ para magpasaklolo, at sa kabilang kuwarto naman ay may naririnig akong nagsasalita ng Chinese at sumisigaw ng ‘Tama na! Tama na!’” dagdag pa nito.
Nasawi si Tony Co, habang sugatan naman sina Peter Co at Sy. Galos naman ang tinamo ni Dongail.
Nang tanungin kung bakit siya sinaksak ni Doniña, sinabi ni Sebastian na “Tao siya ni Clarence [Dongail].”
Ang salaysay ay ibinigay ni Sebastian sa harap ni Supt. Francisco Ebreo, ng CIDG. (JONATHAN M. HICAP)