Matapos na isnabin ni Pangulong Rodrigo Duterte, si Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na lang umano ang makikipag-ugnayan kay high-profile inmate Jaybee Sebastian, na una nang nagsabing ilalahad nito ang kanyang nalalaman sa ilegal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP), ngunit sa Chief Executive lang.

Ayon kay Aguirre, mas mabuting maghain na lamang ng affidavit sa Department of Justice (DoJ) si Sebastian.

Dahil ayaw makipag-usap ng Pangulo, maaari namang sa kanya mismo makipag-usap ang abogado ni Sebastian na si Atty. Eduardo Arriba.

Pero nilinaw ni Aguirre na hindi ito sapilitan at dapat ay galing mismo ang inisyatibo kay Sebastian kung nais ng kampo nito na makipag-usap.

Una nang sinabi ni Aguirre na posibleng paharapin si Sebastian sa pagdinig sa Kamara sa susunod na linggo kaugnay ng illegal drug trade sa NBP, kung saan iniuugnay si dating DoJ chief at ngayo’y Sen. Leila de Lima.

'All women unit' ng Philippine Army, pinasok isa sa mga kuta ng NPA!

Nang magkaroon ng riot sa Bilibid at nasugatan si Sebastian, sinabi nito na magsasalita na ito ngunit sa Pangulo lang.

“I don’t talk to criminals,” sagot naman ni Duterte. “He can go to the fiscal if he wants,” dagdag pa nito.

(Beth Camia)