sharon-copy-copy

MASAYANG humarap sa entertainment press si Sharon Cuneta last Wednesday para i-announce ang muli niyang pagtuntong sa concert stage, her first sa The Theatre at Solaire for a two-night engagement on October 15 & 22, at 8:00 PM.

Ipinagmamalaki ng megastar ang kanyang figure ngayon. Malaki na ang nabawas sa kanyang dating timbang pero kinakarir pa rin niya ang ilang pounds na kailangan pang bawasin.

Tourism

World Architecture Day: Ilang makasaysayang gusali sa bansa na nananatili pa ring nakatayo

Inamin ni Sharon na kinailangan na niyang magbawas ng timbang dahil naapektuhan na rin nito ang kanyang kalusugan.

Natakot daw siya nang minsang tumaas ang kanyang blood pressure ng 190/200 at halos mamatay na raw siya. Kaya after mag-host ng The Voice Kids 2, nagsimula na siyang magbawas ng timbang. Nag-diet siya pero hindi naman daw niya dini-deprive ang kanyang sarili sa pagkain.

“Kapag may food na gusto ko, kinakain ko, pero kapag hindi ko gusto, tikim lang,” kuwento ni Mega. “’Pag wala akong gustong food, salad na lang ako, sanay naman akong kumain ng salad lang.”

Noong 2012 pa ang huling concert ni Sharon, sa Araneta Coliseum at nasa TV5 na siya noon.

“That was a very painful experience,” pag-amin ni Shawie. “Very painful, I had to admit na matagal bago ko na-accept and naka-recover from it. A lot of people didn’t know there was a concert. Noong nakaraang mga Valentine concerts ko naman, very successful, but with that concert na kasama ko ang Concert King na si Martin Nievera, hindi nila alam na may concert pala ako. I realized I lost the support of my big mother station. When I realized that, ngayon I’m ready na to have a concert, malakas na ang loob ko.”

Sinu-sino ang magiging special guest niya sa Soliare?

“Si Frankie, ang eldest namin ni Sen. Kiko. Siya na lang muna. Si Miguel nga, our six year-old son, gusto raw niyang mag-guest sabi ko, ayaw ko namang gawing parang Von Trapp Family (ng Sound of Music) ang concert ko. Kaya kahit si KC hindi ko rin isinama. Guest ko rin kasi ang 24 kids ng The Voice Kids. Gusto kong bigyan ng chance si Frankie na talagang maganda ang boses at marunong pa siyang tumugtog ng gitara. I was very proud of her nang mag-guest-judge siya sa ‘Music Hero’ segment ng Eat Bulaga na tumugtog siya ng gitara habang kinakanta ang isa sa favorite songs ko at first hit single ko na Mr. DJ. Gusto ko sana siyang samahan noon, pero nasabay na may taping ako ng The Voice Kids.”

Sa muling pagbabalik, si Sharon ay 38 taon na sa show business at marami pa ring gustong gawin. Into talent management na rin siya at siyempre ang una niyang talent ay si Frankie.

Gusto nga raw ng mga bata sa The Voice Kids na kunin din niya, pero nagsabi siya na hindi naman niya kayang mai-build-up lahat. Gusto rin niyang ibalik ang kanyang The Sharon Cuneta Show. Gagawin na rin niya ang kanyang first indie film na Ang Pamilyang Hindi Lumuluha.

“After manalo si Jaclyn Jose sa Cannes International Film Festival, mas lalo akong nagkagustong i-try naman ang ganitong project. I hope that someday it’s me naman or someone I love sa industry ang makatanggap ng ganitong karangalan,” sabi ng megastar.

Si Cathy Garcia-Molina ang nakatakdang magdirihe ng pagbabalik-pelikula niya sa Star Cinema at willing siyang makatrabaho maging ang exes niya, o kahit ang mga kabataang artista ngayon. As to recording, inaayos na rin daw ang first album na gagawin niya sa Star Records. (NORA CALDERON)