“Masyado kang yakyak nang yakyak, na wala ka namang sinasabi.” Ito ang sagot ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa pahayag ni Sen. Leila de Lima na tinakot, binayaran at tinortyur umano ang mga preso para tumestigo laban sa kanya.
“Pati peluka ko, eh...” dagdag pa ng natatawang si Aguirre, kung saan pinayuhan nito si De Lima na huwag mag-hysterical upang maipaliwanag umano niya nang husto ang kanyang sarili.
Kamakalawa, sinabi ni De Lima na ang mga ebidensya laban sa kanya ay parang wig o peluka ni Aguirre—peke at cosmetics lang.
“Sagutin mo lang ng tama ang mga akusasyon sa ‘yo kasi napakabigat ng mga akusasyon sa ‘yo,” ani Aguirre.
Kaugnay nito, sinabi ni Aguirre na dapat maglabas ng ebidensya si De Lima at patunayan na imbento at pinuwersa ang mga testimonya ng mga testigo laban sa kanya.
“Puro dakdak at daldal ang ginagawa niya, at wala namang maiharap na katibayan,” ani Aguirre.
Tiniyak ni Aguirre na mako-convict si De Lima dahil malakas umano ang ebidensya na tumanggap ito ng drug money mula sa inmates sa NBP. (Beth Camia)