Love triangle ang anggulong sinisilip ng National Bureau of Investigation-Death Investigation Division (NBI-DID) sa pagpaslang sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa Tanza, Cavite.

Ito ay matapos na ireklamo ng ina ng biktimang si Mark Anthony Culata na si Eva, na may kinalaman sa pagpatay ang mga pulis.

Magugunitang natagpuang patay at halos hindi na makilala ang biktima noong Setyembre 9 sa Barangay Lambingan, Tanza.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Sa security footage, huling nakita si Culata na isinakay sa police mobile. Kinabukasan, nakita ang bangkay niya na may mga tama ng bala ng baril, naka-tape ang bibig at may placard na nagsasabing siya ay tulak ng droga.

“Malabo na tulak dahil kababalik lang niya mula sa Saudi noong November, at babalik na sana kasi may job order na,” ayon kay Eva.

Nagtungo kahapon sa Bgy. Lambingan ang NBI-DID upang mangalap ng ebidensya.

Samantala, sinabi ng source na nakakaalam sa imbestigasyon na ang isa sa mga pulis na umaresto kay Culata ay live-in partner na ng dating nobya ng biktima. (Betheena Kae Unite)