whang-od-1-copy

“HER Ink marks our Link with the World.” Ito ang pagkilala ngayon ng mga residente sa maliit na bayan ng Tinglayan sa lalawigan ng Kalinga kay Maria Oggay, kilala sa tawag na Whang-od, ang pinakamatandang tattoo artist o mambabatok, hindi lamang sa rehiyon ng Cordillera kundi sa buong bansa.

Si Whang-od, 97, ay nagsisilbing tourist destination ng mga taong mahilig sa tattoo at sa mga tao na gusto siyang makita nang personal habang nagsasagawa ng kanyang tradisyunal na pagta-tattoo sa pamamagitan ng paggamit ng tinik ng pomelo o lemon sa kanyang bahay sa Barangay Buscalan.

Ang 4th class municipality ng Tinglayan ay binubuo ng 20 barangay na may pitong tribu. Makikita rito ang simpleng pamumuhay na mga residente na taglay pa rin ang mga sinaunang kaugalian at nananatili ang pagmamahal sa kultura at tradisyon.

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Kung sa turismo, matagal nang may ipagmamalaki ang Tinglayan -- ang naggagandahang rice terraces sa bawat barangay, ang bundok ni Sleeping Beauty na tanaw na tanaw mula sa highway, falls, at indigenous products.

Simula nang makilala at naging bantayog ang pangalan ni Whang-od sa larangan ng tattoo ay umusbong ang turismo sa Tingalayan, pero karamihan ay sa Buscalan lamang nagpupunta para magpa-tattoo, At ang mga turista ay hindi lamang local o foreigner kundi maging celebrities.

Sa talaan ng Municipal Tourism Office, noong 2015 ay umabot sa 18,276 ang tourist arrival sa Buscalan at 30 percent sa mga ito ay foreign tourist, samantala nitong unang quarter ng 2016 ay nasa 4,071 na.

Hindi lahat ng mga turistang ito ay nagpapa-tattoo, kundi gusto lamang makita nang personal si Whang-od kung paano niya isinasagawa ang tattoo. Malaking bentahe para sa mga residente ang pagdagsa ng turista sa Buscalan, dahil kahit papaano ay nagkaroon sila ng kabuhayan, gaya ng pagbebenta ng mga souvenir item at upa sa homestay ng mga turista.

Si Whang-od ay mula sa Butbut tribe, walang asawa, at sinasabing huling mambabatok o traditional tattoo artist ng Kalinga at oldest tattoo artist in the Philippines at sumikat hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa.

Sa edad na 10, noong nag-aaral ng Garde 6, si Maria ay mahilig manood sa matatandang nagta-tattoo at sinubukan niya ito sa kanyang kaklase. Humanga ang mga elder dahil hindi dumugo o walang dugo na lumalabas mula sa tinatatuan niya.

Kasama ni Whang-od sa kanyang pagta-tattoo ang dalawang apo sa pamangkin na si Grace Palicas, 20, na nagsimulang matuto noong 10 taong gulang at si Elyang Wigon, 17, na natuto noong 13. Tinuruan niya sina Grace at Elyang upang humalili sa kanya.

Sa ngayon, malaki ang posibilidad na si Whang-od ang maging ikatlong bigyan ng parangal sa rehiyon ng Cordillera mula sa Gawad sa Manlilikha ng Bayan (Gamaba) na kilala bilang National Living Treasures Award.

Ang prestisyohong parangal na ito ay nasa validation at deliberation na ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) -- Cultural Communities & Traditional Arts Section. (RIZALDY COMANDA)