Kalunus-lunos ang pagkamatay ng isang lalaki nang pagbabarilin ng 27 beses ng tatlong hindi kilalang suspek sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Ranilo Maydan, 32, ng No. 298 Jerusalem Street, Barangay 150, Bagong Barrio ng nasabing lungsod.

Base sa report, dakong 1:00 ng madaling araw, himbing sa pagkakatulog sa loob ng kanyang bahay si Maydan nang sapilitang pumasok ang tatlong armadong lalaki at walang awang pinagbabaril ang biktima.

Nagising ang mga kapitbahay ni Maydan sa sunud-sunod na putok ng baril, ngunit walang lumabas sa mga ito sa takot na sila’y madamay.

National

Leni Robredo binisita puntod ng asawa bago tuluyang naghain ng COC sa Naga City

“Parang Bagong Taon kasi sunud-sunod talaga ang putok ng baril. Tapos nakita namin sa bintana na nagsisakay na sa kani-kanilang motorsiklo ‘yung tatlong lalaki,”ayon sa mga kapitbahay ni Maydan.

Narekober ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), sa pamumuno ni Police Sr. Insp. Avilino Andaya, ang 27 basyo ng bala mula sa iba’t ibang kalibre ng baril.

“Talagang hindi bubuhayin, imagine 27 bullets ‘yung tumama sa katawan ng victim. Tinadtad talaga,” sambit ni Andaya.

Galit naman ang mga kaanak ng biktima dahil para umanong hayop ang ginawang pagpatay kay Maydan.

“Masahol pa tayo sa martial law ngayon. Kung gusto kang pasukin sa loob ng bahay para patayin, ginagawa na,”anila.

(Orly L. Barcala)