Pinosasan at sinampahan ng kaso ang isang lalaki makaraang holdapin ang isa sa mga jester host ng Eat Bulaga sa loob mismo ng tren ng Light Rail Transit- 1 (LRT-1) sa Sta. Cruz, Maynila nitong Huwebes ng gabi.
Nahaharap sa kasong robbery hold-up at illegal possession of deadly weapon si JR Padera, 29, ng Block 17, Lot 12, Phase 2, Eastwood, Montalban, Rizal.
Inaresto si Padera matapos ireklamo ni Henry Lanzar, 42, jester host ng Eat Bulaga, at residente ng 2471 L. Rivera Street, Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni Police Supt. Michael Garcia, deputy commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 6:30 ng gabi nangyari ang pangho-holdap habang binabagtas ang Doroteo Station, na matatagpuan sa Rizal Avenue, Sta. Cruz.
Ayon kay Lanzar, nilapitan at binulungan siya ng suspek ng, “holdap ito”, habang nakatutok sa kanyang tagiliran ang isang patalim.
Nang makuha umano ng suspek ang kanyang cell phone na Samsung J7 na nagkakahalaga ng P12,000, ay agad bumaba ng tren si Padera sa naturang istasyon.
Hindi naman nawalan ng loob ang biktima at sinundan ang suspek saka humingi ng tulong kina PO1 Marife Jovelo, PO1 Jaypee Castillo, at PO1 Mark Joseph Inocencio na pawang nakatalaga RPSB Delta Company ng LRT-Line 1.
Nabawi naman ng mga arresting officer ang cell phone ng biktima, gayundin ang patalim na ginamit ng suspek.
(Mary Ann Santiago)