Nagbigay ng komento ang Malacañáng tungkol sa naging pag-usad ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte papunta sa plenaryo ng Kamara.
Matatandaang napagbotohan na ng mga miyembro ng House Committee on Justice sa isinagawa nilang pagdinig noong Miyerkules, Abril 29, 2026, na ilipat sa House plenary ang impeachment case laban kay VP Sara.
Matapos ito ng isinagawa nilang apat na pagdinig sa pagsusuri ng mga ebidensyang laban kay VP Sara mula noong Marso 25, Abril 14, Abril 22, at Abril 29, tungkol sa mga bank record, reklamo tungkol sa paglabag niya sa public trust, graft, at iba pa.
Sa House plenary, kinakailangang makakuha ng one-third na boto mula sa mga kongresista ang naturang impeachment case laban sa Bise bago ito tuluyang umakyat sa Senado.
Ayon naman sa naging pahayag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro sa isinagawa niyang press briefing nitong Huwebes, Abril 30, sinabi niyang trabaho raw ng Kongreso ang magdesisyon kung itutuloy nila sa House plenary ang naturang impeachment case ng Bise.
“Iyan po ay trabaho ng Kongreso,” pagsisimula niya.
Ani Castro, nakita naman daw ng publiko ang resulta ng naging boto ng mga miyembro ng Komite ay batay sa nailatag na ebidensya laban kay VP Sara sa mga isinagawa nitong pagdinig.
“Kung nakita po natin ang boto dahil nakita naman nila sa pamamagitan ng kanilang hearing na naganap at may mga ebidensya na naipakita,” aniya.
Diin niya, naaayon naman daw ang naging desisyon ng Komite batay sa kanilang nasaksihang mga ebidensya upang iusad pa ang impeachment case laban sa Bise.
“So ang pagdedesisyon nila ay naaayon naman sa kanilang mga nasaksihan,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si VP Sara kaugnay sa naging pag-usad ng impeachment case laban sa kaniya.
KAUGNAY NA BALITA: Senado, may budget na ₱27M sa impeachment trial vs VP Sara—Sen. Lacson
KAUGNAY NA BALITA: 'She's not a thief!' Kitty, dinepensahan kapatid na si VP Sara