KAPAG nababanggit ang salitang “signature” ng mga imbestigador, ang unang pumapasok sa ating isipan ay kung anong grupo ang gumawa ng bomba. Ngunit para sa isang police reporter na gaya ko, ito ay may iba pang pakahulugan—ang istilo ng mga pagtutumba na isinasagawa naman ng mga pulis sa iba-ibang lugar sa buong bansa—mga “Extrajudicial Killings (EJK) Signature. Kung sa mga improvised explosive device (IED) ay may pinaghahambingang pitong signature ng mga eksperto sa bomba, ang mga police homicide investigator naman ay may 10 signature ring pinagbabatayan sa pag-iimbestiga nila sa bangkay na natatagpuan sa mga bangketa, kalsada, madidilim na lugar at ‘yung mga nakalutang sa mga estero, kanal at ilog, gaya ng Pasig River.
Ang malaking kaibahan lang sa dalawang grupong ito ng mga eksperto sa pag-iimbestiga, may makatotohanang pagtugis ang mga bomb expert sa may signature ng bombang sumabog. Samantalang, ang mga homicide investigator ng pulisya ay kalimitang napapangiti lang at napapaismid saka bubulong sa kasama kung anong grupo ang may signature sa naturang pag-salvage. Sila-sila lamang ang nagkakaalaman.
Ang signature na ito ng pag-salvage ay unang nauso rito sa Maynila noong kapanahunan ni Mayor Alfredo Lim, nang barakohin niya ang mga kriminal na nagpupugad sa Maynila. Naging bukambibig noon ang pangalan ng mga berdugong pulis ng Western Police District (WPD), na sinasabing nagpauso ng mga EJK.
Nang maglipatan sa ibang lugar sa Metro Manila ang mga kriminal, kanya-kanyang tumba rin ang ginawa ng awtoridad sa mga nilipatang lugar kaya nagka-signature na rin sila ng pagsa-salvage sa mga kriminal. Nagaya na rin ito sa iba-ibang lugar sa bansa.
Ilan lang ito sa mga “EJK signature”at mga lugar kung saan ito unang sumikat—sa Maynila, bangkay na tadtad ng saksak ng icepick; bangkay sa Pasig River; ang pamosong pang-aagaw ng baril kaya napatay; bangkay na may karatulang “Pusher Ako, ‘Wag Tularan”, at mga itinatapon sa loob na mismo ng sementeryo.
Sa Quezon City naman, mga bangkay na may pako sa ulo, mga chop-chop na bangkay at mga binusalang bangkay. Sa Cavite, may sinunog na bangkay at itinapong abo sa dagat. Sa Bulacan, nariyan ang bangkay na isinilid sa drum na may semento tsaka inihulog sa ilog.
Ang mga paraang ito ng pagpatay ay nakagawian na ng ating mga awtoridad na gusto umanong mag-shortcut sa pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng karumal-dumal na krimen, ngunit kadalasan din na nagagamit nila ito sa pagtatago sa kanilang sariling gawang krimen.
(Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected].) (Dave M. Veridiano, E.E.)