Hindi na papakialaman ni Senate President Aquilino Pimentel III ang desisyon ni Senator Leila de Lima na ilagay sa kustodiya ng kanyang komite si self-confessed Davao Death Squad (DDS) hitman Edgar Matobato.
Aniya, nasa kapangyarihan ni De Lima bilang chairperson ng Senate Committee on Justice and Human Rights ang magbigay ng proteksyon sa testigo, at kailangan lamang na maayos ang liquidation ng mga gastos nito.
Sinabi ni Pimentel na sa ngayon ay hindi niya pwedeng matanggap na testigo si Matobato dahil wala namang kinalaman ang mga sinasabi nito sa resolusyon ni De Lima.
Idinagdag pa ni Pimentel na pwedeng irekomenda ni De Lima sa Office of the Ombudsman at Department of Justice (DoJ) ang pagbibigay ng proteksyon dahil may programa sila hinggil dito.
Magugunita na unang kumontra si Pimentel sa pagbibigay ng proteksyon kay Matobato, matapos idawit ng huli si Pangulong Rodrigo Duterte at anak nitong si Paolo sa ilang insidente ng pagpatay sa Davao City. - Leonel M. Abasola