Nangisay at tuluyang namatay ang isang binatilyo makaraang pagbabarilin ng anim na armadong lalaki sa Quezon City, hatinggabi kahapon.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Ian Carlo Adiped, 20, ng Barangay Bagong Silangan, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PO3 Edwin Marteja ng Batasan Police Station 6, dakong 12:00 ng hatinggabi nangyari ang pamamaril sa tapat ng computer shop sa No. 210 Guail Street, Sitio Veterans, Bgy. Bagong Silangan ng nasabing lungsod.
Basta na lamang umanong dumating sa lugar ang tatlong motorsiklo na kinalululanan ng anim na suspek na diri-diretsong pumasok sa computer shop.
Sa puntong ito, kinaladkad umano palabas ng mga suspek si Adiped at walang habas na pinagbabaril.
Nang makitang duguang bumulagta ang biktima, sumakay sa kani-kanilang motorsiklo ang mga suspek at pinaharurot ang kanilang sasakyan.
Ayon kay Police Supt. Lito E. Patay, pinaiimbestigahan na niya ang nangyari upang matukoy kung may kinalaman ito sa ilegal na droga. - Jun Fabon