LONDON (Reuters) – Nakumpirma sa mga naunang resulta mula sa mahalagang case-control study sa Brazil ang direktang kaugnayan ng Zika virus infection sa mga buntis at sa microcephaly o depekto sa utak sa kanilang mga sanggol, sinabi ng mga scientist noong Huwebes.
Ngunit nakumpirma man sa preliminary findings mula sa unang 32 na sangkot sa pag-aaral ang kaugnayang ito, sinabi ng mga mananaliksik na magiging malinaw lamang ang tunay na laki ng epekto ng virus matapos ang full analysis ng lahat ng 200 kaso at 400 controls.
“Our findings suggest Zika virus should be officially added to the list of congenital infections,” sabi ni Thália Velho Barreto de Araújo ng Pernambuco University sa Brazil, na kasama sa research team. “However, many questions still remain to be answered - including the role of previous dengue infection.”
Ang study, inilathala sa The Lancet Infectious Diseases journal, ay hiniling ng Brazilian health ministry para imbestigahan ang sanhi ng epidemya ng microcephaly na idineklara ng World Health Organization (WHO) na isang international public health emergency nitong unang bahagi ng taon.
Ang outbreak ng Zika, isang sakit na ikinakalat ng lamok, ay nasuri noong nakaraang taon sa Brazil, kung saan iniugnay ito sa mahigit 1,700 kaso ng microcephaly, isang birth defect na markado ng maliit na ulo at maaaring mauwi sa severe developmental problems. Kumalat na ang virus sa America, Caribbean at Asia.