Hindi na nagawa pang maisalba ang buhay ng isang 38-anyos na pedicab driver, sinasabing tumigil na sa bisyo, matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Sta. Mesa, Maynila nitong Huwebes ng gabi.

Isang tama ng bala sa ulo ang ikinamatay ni Michael Glifones, ng 3581 Batas Street, corner Bacood, Sta. Mesa, Maynila.

Sa imbestigasyon ni SPO3 Milbert Balinggan, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 6:20 ng gabi nangyari ang pamamaril sa Cordillera Street sa Bacood.

Sa salaysay sa pulisya ng testigong si Peter Nerviza, dating pulis, nasa bahay siya ng kanyang anak na lalaki nang makarinig ng isang putok ng baril mula sa labas.

Kaagad umano siyang lumabas at tiningnan kung ano ang nangyari hanggang sa nadiskubre si Michael na duguang nakabulagta.

Jay Sonza, inaresto dahil sa kasong cyber libel

Isinugod pa umano ang biktima sa Our Lady of Lourdes Hospital ngunit nasawi rin.

Samantala, ayon sa ama ng biktima na si Mang Ricardo, dati umanong gumagamit ng ilegal na druga ang kanyang anak at nagbagong buhay na ito. (Mary Ann Santiago)