ILOILO CITY – Pinapayuhan ang mga buntis na huwag munang bumiyahe papuntang Iloilo City, kung saan naitala ang tatlong kumpirmadong kaso ng Zika virus sa bansa.

“Pregnant women, in any trimester, should consider postponing travel to Iloilo City,” sabi ni Dr. Marlyn Convocar, director ng Department of Health (DoH)-Region 6.

Sa isang advisory, sinabi ni Convocar na kumpirmadong naipasa na ang Zika virus mula sa unang pasyente nito, isang 45-anyos na babaeng may asawa sa lungsod.

Bagamat agad namang gumaling sa Zika, naipasa ng unang pasyente ang virus sa dalawa pa niyang kasama sa bahay.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Kahit pa pawang hindi buntis ang tatlong pasyente, ikinokonsidera ng DoH na delikado sa sakit ang mga buntis.

Dulot ng kagat ng lamok, ang Zika ay iniuugnay sa microchepaly o mas maliit na ulo at utak ng sanggol na isinilang ng babaeng dinapuan ng Zika.

Binigyang-diin ni Convocar na mahalagang iwasan ng mga buntis ang makagat ng Aedes aegypti, ang uri ng lamok na nagdadala ng Zika virus.

Aniya, hindi lamang para sa mga buntis ang babala, kundi para rin sa mga babaeng nagpaplanong magbuntis at sa mga sexual partner na nanggaling sa mga lugar na apektado ng Zika—dahil ang virus ay pinaniniwalaan ding naihahawa sa pagtatalik.