MALIBAN kung magkakaroon ng pagbabago, matatag ang determinasyon ni Pangulong Duterte na palayasin ang tropa ng mga Amerikano sa Mindanao sa matuwid na hindi kailanman magkakaroon ng kapayapaan hangga’t sila ay naroroon sa naturang teritoryo; na lalong titindi ang kaguluhan sa Katimugang bahagi ng bansa.

Ang nasabing pahayag ng Pangulo na may kaakibat na panggagalaiti ay tiyak na gumulantang sa sambayanan, lalo na kung iisipin na ang mga Amerikano ang laging itinuturing na ‘big brother’ ng mga Pilipino. Hindi natin ito narinig sa sinumang naging Presidente ng bansa na batay sa mga obserbasyon ay laging nakatango at hindi man lamang umiiling sa bawat sabihin ng liderato ng United States.

Simple lamang ang paliwanag ng Malacañang sa paninindigang ito ni Presidente Duterte. Pagbibigay-diin ito umano sa independent policy ng Pilipinas na nais pangatawanan ngayon ng administrasyon; na hindi ito dapat panghimasukan ng alinmang bansa, lalo na ng US.

Magugunita na mismong si US President Barack Obama ay binalaan ng Pangulo na hindi niya dapat pakialamanan ang pamamalakad ng bansa, lalo na ang may kinalaman sa sinasabing paglabag sa karapatang pantao o human rights. Sa bahaging ito sumiklab ang kamalayan ng Pangulo na humantong sa pagpapatutsada sa Presidente ng pinakamakapangyarihang bansa sa daigdig.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Humantong din ito sa pagbuhay ng isyu na umano’y kinapapalooban ng pagpatay ng mga Amerikano sa daan-daang Muslim noong 1900 – isang karumal-dumal na pangyayari umano na naglarawan ng human rights violation. Ang iba pang eksena ay bahagi na lamang ng kasaysayan.

Paano nga pala kaagad mapapalayas ang mga sundalong Amerikano sa Mindanao samantalang sila ay nakatutok sa pagsasagawa ng joint military exercises na kasama ang ating Armed Forces?

Ang kanilang pananatili roon ay itinatadhana ng Visiting Forces Agreement (VFA) at ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na parehong pinagtibay ng ating gobyerno. Ang VFA ay isang tratado na inaprubahan ng Senado habang ang EDCA ay isang kasunduan na may bendisyon naman ng nakaraang administrasyon. At ang dalawang dokumentong ito, sa aking pagkakaalam, ay sumailalim sa masusing pagsusuri ng Korte Suprema.

Maaaring mahirap nang buwagin ang paninindigan ng Pangulo hinggil sa pagtataboy sa US troops, subalit naniniwala ako na marapat pa ring sulyapan ang mahabang panahon ng pagiging matapat na magkaalyado ng dalawang bansa.

Magkatuwang ang mga ito sa lahat halos ng larangang pakikipagsapalaran, lalo na sa ekonomiya, seguridad at iba pa.

Katunayan, ang US ang pinakamalaking trading partner ng PH. Sila ay dapat manatiling “big brothers”. (Celo Lagmay)