May 02, 2026

Home BALITA

Jay Sonza, mag-long weekend sa NBI

Jay Sonza, mag-long weekend sa NBI
Courtesy: Atty. Mark Tolentino/FB, NBI

Kasalukuyang nananatili sa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating broadcaster na si Jay Sonza matapos arestuhin noong Huwebes ng gabi, Abril 30, sa Quezon City.

Ito ay dahil sa kasong cyber libel at Revised Penal Code Article 154 na isinampa laban sa kaniya dahil sa mga umano'y pagpapakalat ng maling impormasyon na may kinalaman sa kalusugan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr..

Basahin: Jay Sonza, inaresto dahil sa kasong cyber libel

Sa isang social media post ng legal counsel ni Sonza na si Atty. Mark Tolentino noong Huwebes, ibinahagi niya ang kopya ng warrant of arrest ng kaniyang kliyente kung saan nakalagay na "not bailable" ang kasong “unlawful publication” laban kay Sonza. 

Iginiit ni Tolentino na ito ay maling aplikasyon ng batas dahil ang naturang kaso ay "bailable" o may karampatang piyansa. 

Probinsya

DepEd, nakiramay sa pagpanaw ng isang student-athlete mula sa Ilocos Norte

Samantala, sinabi naman ni NBi Director Atty. Melvin Matibag na liliwanagin nila sa Korte Suprema ang tungkol dito.

"Sa kaliwanagan ang aming pong ininforce na warrant kay Mr. Jay Sonza, nakalagay po kasi roon na not bailable. Pero, ako nga po from a point of view of a laywer, laging pong sinasabi d'yan sa paglabas ng warrant nakalagay d'yan, 'no bail recommended or bail recommended for the amount of' ganyan po dapat," saad ni Matibag sa kaniyang panayam sa DZMM nitong Biyernes, Mayo 1.

"'Yan po yung liliwanagin natin kapag iprinisenta po natin siya sa RTC sa Pasay sa Lunes. Kahit kami po sa NBI ay katanungan din po namin 'yan. Kaya, immediately sa first hours po sa Lunes, pagbukas ng Korte Suprema dadalhin po natin si Mr. Jay Sonza para po iprisenta sa Korte," dagdag pa niya. 

Dahil dito, mananatili si Sonza sa kustodiya ng NBI dahil holiday ngayong Biyernes habang walang opisina ng Sabado at Linggo. 

"Kung meron mang pagkukulang doon sa warrant at hindi malinaw, hindi naman po magiging diperensya rin doon po sa pagkaka-detain po ni Mr. Jay Sonza kasi no'ng nainforce po 'yong warrant gabi, alas-otso na po, sarado na po 'yong Korte at nagkataon na holiday po ngayon tapos Sabado at Linggo, so sa Lunes po talaga natin liliwanagin 'yan," saad ng NBI Director.

Dagdag pa niya, "Pero rest assured po na kung ano 'yong mga karapatan ni Mr. Jay Sonza, including nga po na siya ay nagrereklamo na nahihirapang maglakad, binigyan namin ng wheel chair at kumuha po kami ng medical personnel to attend to his need. Sinabi niya may asthma po siya."

"So ang assurance naman po namin sa mga taga-suporta ni Mr. Jay Sonza at sa publiko po na siya po is taken care of by the National Bureau of Investigation."

Pwede naman daw mabisita si Sonza ng kaniyang abogado at mga kaanak.