Binaril at napatay ng dalawang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo ang isang tindera habang masayang nakikipag-inuman at nagbi-videoke kasama ang kanyang kapatid sa Port Area, Manila, nitong Lunes ng hapon.
Isang tama ng bala ang tumapos sa buhay ni Nora Lintag, 42, dalaga, ng Block 6, Baseco Compound, Port Area, Manila.
Sa ulat ni Police Supt. Albert Barot, hepe ng Manila Police District (MPD)-Station 5 (Ermita), dakong 5:20 ng hapon nangyari ang pamamaril sa harapan ng isang sari-sari store.
Sa salaysay sa pulisya ni Joseline Boso, 37, kapatid ng biktima, nag-iinuman sila ni Lintag at nagbi-videoke nang biglang sumulpot ang mga suspek at walang kagatul-gatol na binaril ang kanyang kapatid.
Ayon kay Boso, matagal nang may pagbabanta sa buhay ang kanyang kapatid ngunit binabalewala lamang umano ito ni Lintag.
Sa panayam naman ng mga mamamahayag sa ilang testigo, pawang tumangging magpabanggit ng pangalan, posible umanong may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaril dahil may kasintahan umano si Lintag na tulak ng ilegal na droga.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (MARY ANN SANTIAGO)