Kinumpirma kahapon ng isang mataas na opisyal ng Southern Police District (SPD) na kabilang sa drug watchlist ng Taguig City Police ang napatay na kapatid ng aktres na si Maritoni Fernandez.
Sa panayam sa telepono, kinumpirma ni SPD Director Senior Supt. Tomas Apolinario, Jr. na naaresto si Aurora Maria Moynihan, 45, ng Ecology Village, Makati City, ng Station Anti-Illegal Drugs Unit ng siyudad noong Pebrero 28, 2013 sa Barangay Sta Ana, Taguig.
“Nasa watchlist siya ng Taguig City Police Station. Sila ang nakahuli noong 2013,” sabi ni Apolinario.
Aniya, nadakip si Moynihan kasama ang walong iba pang drug personality, kabilang sina Joana Tinga at Henry Tinga, kapwa kaanak ni dating Taguig City Mayor Sigfrido “Freddie” Tinga; at isang Crayon Ong, na nakapiit ngayon sa Pasay City Jail dahil sa illegal possession of firearms.
Nasamsam mula sa grupo ang shabu, marijuana at ecstasy, ayon kay Apolinario.
Gayunman, si Moynihan lamang ang nakapagpiyansa sa mga naaresto.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ng isang mapagkakatiwalaang source sa Pasay City Jail na binisita ni Moynihan si Ong noong nakaraang buwan bago napatay ang una.
Tinangka ng Balita na kapanayamin si Ong ngunit tumanggi siyang humarap sa media.
Nabatid din na nakulong sa Pasay City Jail ang dating kinakasama ni Moynihan na si Ryan Francisco, ng Malibay, Pasay, noong Nobyembre 8, 2012 at dating “mayores” doon. Mayroon itong anim na kaso ng robbery, bukod pa sa attempted homicide, trespassing, at direct assault.
Sinabi naman ni PO2 Rodolfo Dangla, ng Pasay City Jail, na bumibisita rin noon si Moynihan kay Francisco para magdala ng pagkain at mga gamit.
Ayon kay Dangla, na-dismiss ang lahat ng kaso ni Francisco sa Pasay ngunit inilipat ito sa Makati City Jail noong Agosto 14, 2013 para sa ibang kaso.
“Hindi ko alam kung anong kaso niya sa Makati pero this year (2016), nalipat naman siya sa Metro Manila District Jail (MMDJ) sa Bicutan,” ani Dangla.
Matatandaang dakong 1:45 ng umaga nitong Sabado nang matagpuang patay si Moynihan makaraang pagbabarilin ng mga hindi nakilalang lalaki sa panulukan ng Temple Drive at Giraffe Streets sa Bgy. Ugong Norte sa Quezon City.
(MARTIN SADONGDONG at BELLA GAMOTEA)