Apat na umano’y kilabot na tulak ng shabu ang napatay sa loob lang ng isang araw makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) sa magkahiwalay na barangay sa Quezon City, iniulat ng pulisya kahapon.
Unang iniulat ni Supt. Igmidio B. Bernaldez, hepe ng Masambong Police Station 2, ang pagkakapatay sa dalawang lalaki, na ang isa ay kinilalang si Virgilio De Chavez.
Lumitaw sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), na dakong 1:00 ng hapon nitong Linggo nang matiyempuhan sa Oplan Galugad ng Masambong Police ang dalawa sa Ilagan Street, Barangay Paltok.
Pinagbabaril umano ng mga suspek ang mga pulis, na gumanti ng putok. Narekober sa dalawa ang isang .45 caliber pistol, isang .38 caliber revolver, at mga plastic sachet ng hinihinalang shabu.
Kasunod nito, dakong 12:00 ng umaga ay duguang bumulagta ang dalawang hindi pa nakikilalang holdaper, na nagbebenta rin umano ng droga, matapos makipagbarilan sa mga tauhan ng Quezon City Police District-Special Operation Unit, sa pamumuno ni Supt. Rogart Campo.
Nabatid na sinita ang dalawa na magkaangkas sa motorsiklo sa Bgy. Holy Spirit. (Jun Fabon)