Arestado ang isang senior citizen matapos ireklamo ng mga kamag-anak ng isang dalagang pipi na umano’y hinalay ng una sa Malabon City noong Sabado ng madaling araw.
Kasong panggagahasa ang isinampa kay Mario Bucad, 60, may asawa, residente ng Block 20, Lot 6, 3rd Street, Barangay Tanong ng nasabing lungsod.
Sa pamamagitan ng sign language, nakumpirma umano ng mga kaanak ng biktima, 30, na hinalay siya ng suspek.
Ayon sa biktima, dakong 1:30 ng madaling araw, naglalakad umano siya sa C-4 Road nang siya’y sundan ni Bucad at hinalay sa bakanteng lote.
Matapos ang panghahalay, mabilis umanong umalis ang suspek, habang nagsumbong naman ang biktima sa kanyang pamilya.
Dahil nakilala umano ng biktima si Bucad, nagtungo ang mga kaanak nito sa police station at ipinaaresto ang huli.
Walang piyansang inirekomenda ang piskalya para sa pansamantalang paglaya ni Bucad. (ORLY L. BARCALA)