Ni REGGEE BONOAN
KAPAG si Ogie Diaz ang kausap mo ay riot talaga ang kuwentuhan at ito uli ang nangyari sa set visit para sa finale week ng Born For You Finale sa Benpress Building, Pasig City nitong nakaraang Biyernes.
Mahalaga ang papel ni Ogie bilang si Desmond sa Born For You dahil siya ang confidante ni Marge Sebastian (Ayen Munji-Laurel) na ina ni Kevin (Elmo Magalona).
Si Desmond ay handler ni Kevin at nakakaalam ng sekreto kung sino talaga ang sumulat ng awiting Born For You na pinasikat naman ni Mike Sebastian (Ariel Rivera), best friend ni Buddy (Bernard Palanca) na totoong sumulat ng kanta.
Maganda ang takbo ng kuwento ng Born For You kaya marami ang nagtatakang tagahanga nina Elmo at Janella Salvador kung bakit magpapaalam na ang teleserye nila.
“Lahat naman ng teleserye, ang peg niyan, one season, ang alam ko ha?” bungad ni Ogie sa entertainment press. “Nagkataon na hindi na mabanat ‘yung kuwento. Naku, dati nga, meron kaming teleserye, ano lang 11 weeks dati, ‘yung Mutya (2011).”
Ano ang komento ni Ogie kina Elmo at Janella sa set?
“Sa dalawa, siyempre mami-miss ko na ang bukol ni Elmo, ha-ha-ha!” nakakalokang sagot ni Ogie.
Nagkatawanan ang mga katoto at tinanong si Ogie kung puwedeng isulat at um-oo naman siya.
“Bukol express ang lolo mo, minsan nga, nakaka-distract, eh,” sabi ulit. Dagdag pa, “Anak (Elmo), ‘yung bukol mo (halata). At sumagot naman daw si Elmo ng, ‘e, ganyan talaga ‘yan’.”
Iniba namin ang topic at tinanong si Ogie kung nagpa-drug test na siya na mandate sa lahat ng artista ng ABS-CBN particular sa Star Magic.
“Ay, ano ba ‘yan, anytime, puwede ako (drug test). Huwag lang silang mag-expect na pula ang dugong lalabas, ha (kasi berde raw).
“Dapat nga lahat ng artista, nagpapa-drug-test para ma-prove na hindi sila adik. ‘Yung iba kasi ihi lang, puwede namang dayain. Dapat daw buhok para mas effective,” paliwanag ng komedyante.
Ipina-drug test na ba niya ang alaga niyang si Liza Soberano?
“Star Magic ang nagko-call nu’n, pero oo naman, puwede rin naman siya anytime. Kaya lang nasa New York, pauwiin ko?” hirit ulit ni Katotong Ogie.
Diretso namin siyang tinanong kung ano na ang real score nina Liza at Enrique Gil.
“Ano ba sabi nila?” balik-tanong ng katoto.
Sabi namin, hindi pa ulit nakakausap ng press ang LizQuen.
“Ako, sa tingin ko sila, pero sino naman akong mahadera na magsabi? Hayaan mo silang umamin kung gusto nilang umamin, pero parang wala silang date (anniversary), parang naramdaman lang nila. ‘Di ba ‘pag may date, meron ding split-up ‘yung date?” kuwento ng manager ni Liza.
Hirit uli namin, hindi natupad ang pangako ni Liza na hindi muna siya magbo-boyfriend.
“Hindi naman, kasi 18 (years old) na siya, saka ano naman Reggee, mayroon na siyang bahay,” katwiran ni Ogie.
Natupad na raw lahat ni Liza ang mga pangakong bibigyan ng tig-isang bahay ang magulang at mga sasakyang magagamit kaya sarili naman ng dalaga ang sini-secure niya.
“Actually ano (aware) naman si Liza sa mga morality clause ng kontrata niya. Partikular siya roon, ‘pag maraming bawal, hindi niya gingawa.”
At pambubuking pa ni Ogie, “‘Yung kissing scene nga, ang galing nga ‘yung sa Dolce (sabay muwestra na dinaya) kasi ayaw din ni Liza ang kissing scene.”
Pangarap ng manager ng aktres na magkasama sila sa iisang project, pero mukhang matatagalan.
“Ano kasi ako, puro ako Dreamscape, siya (Liza) Star Creatives. Gusto kong magkasama kami kasi double job ako d’yan.”
Puwede naman silang magsama sa Maalaala Mo Kaya.
“Ako talaga tatay? Itong mukhang ito ang produkto siya?” sabi pa.
Katwiran namin, ‘huy, ang gaganda ng mga anak mo kaya.”
Samantala, inalam din kung humihingi ba ng payo si Liza pagdating sa lovelife.
“Hindi, kasi hindi kailangan, matalino ‘yung bata. Pero lagi ko siyang pinapaalalahanan sa mga contract, ‘yung contract namin sa endorsements kung ano ang dapat iasal sa public,” kuwento ni Ogie.
Parati raw may meeting sina Ogie at Liza para pag-usapan ang lahat ng bagay pagdating sa trabaho, “like pagdating niya galing New York, mag-uusap kami.”
Nabanggit na rin na kasalukuyang nakabakasyon sina Liza at pamilya nito sa New York.
“Oo kasi pinapunta niya ‘yung grandma niya sa mom’s side at kapatid niya sa New York, tin-treat niya at kasama rin si Quen at mommy niya rin,” pahayag ng manager ng dalaga.
Sa madaling sabi, ipinakilala na ni Liza ang pamilya niya sa magulang ni Enrique.
At sa balitang may international offer si Liza.
“Naku, mahadera na naman ako, basta may pinu-push ang Star Magic na makilala ang artista ng Star Magic o ABS-CBN sa ibang bansa. So hindi ko alam kung si Liza lang, basta alam ko, kasama siya. So meron siyang (Liza) stint doon,” pagtatapat ni Ogie.
At kung may offer sa Hollywood para sa dalaga?
“Why not? Siyempre ano ‘yun, medalya ng Pilipino ‘yun saka dollars ‘yun,” diretsong sagot ni Ogie. “Basta gusto kasi ng ABS na ma-penetrate rin ng mga artista nila ang ibang bansa.”
Pagbalik ng LizQuen, saka pa lang ilalatag ang next movie project nila at ang teleserye ay sa susunod na taon na ulit.
Napag-usapan din kung papayagan ba ni Ogie na sumali si Liza sa beauty contest.
“Hindi pa niya nararamdaman na gusto niya kasi alam ni Liza na sobrang kailangan niyang mag-concentrate kung talagang sasali siya. Kakarerin niya ang Binibini.
“Ako naman hindi ko siya pinu-push kasi dito (pag-aartista) siya malakas so, dito tayo mag-concentrate. Kasi kung diyan (beauty contest) lahat ng panahon mo ibibigay mo diyan, magpapaganda ka talaga ng katawan, training kay Jonas Gaffud, eh, paano kung nasilat siya, eh, di mas nakakahiya.
“Kaya dito ka na sa star ka, siyempre may kita rin ako dito, ‘no? Ano ba praktikal lang tayo, ha-ha-ha,” paliwanag ng katoto.
Sa tanong namin, Bossing DMB kung gaano na siya kayaman ngayon: “Dalawang Ogie Diaz na siya.”