Bagama’t kaliwa’t kanan na ang checkpoint sa Metro Manila, nakalusot pa rin ang isang armado na namaril sa isang negosyante sa Makati City, nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Makati City Police Chief Sr. Supt. Rommil Mitra ang biktima na si Hualong Wu, 40, ng No.5720 Grammercy Residence, Barangay Poblacion ng nasabing lungsod.
Kinumpirma naman ng doktor na maayos na ang lagay ni Wu, matapos magtamo ng tama ng bala sa kaliwang bahagi ng mukha na tumagos sa kanang mukha, sa kanang braso at katawan.
Sa inisyal na ulat, dakong 6:45 ng gabi nangyari ang pamamaril sa Kalayaan Avenue, sa harapan ng San Miguel Gate, Bgy. Poblacion.
Bago ang insidente, sakay ang biktima sa isang kotse na hindi nabanggit ang plaka nang sumulpot ang armadong suspek at sunud-sunod na pinaputukan nang malapitan.
Sa kabila ng mga tinamong sugat, nagawa pang makalabas ni Wu sa kanyang sasakyan at mabilis siyang tinulungan ng mga tao sa lugar at isinugod sa pagamutan.
Narekober sa pinangyarihan ang apat na basyo ng bala.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Bella Gamotea)