ramirez-copy

Discretionary fund, kinalos ni PSC chair Ramirez.

Walang magnanakaw, kung walang nanakawin. Hindi magiging korup ang opisyal ng gobyerno kung walang pondong mapagsasamantalahan.

Sa ganitong panuntunan isinulong ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez ang paglilinis sa ahensiya at bilang patunay sa mensahe ng Pangulong Rodrigo Duterte na ‘leadership by example’, ibinasura ng PSC Board ang kanilang ‘discretionary fund’.

Human-Interest

Ang Pasko sa loob ng selda at mga munting hiling sa likod ng rehas

“This is somewhat leading or the cause of corruption,” pahayag ng isang opisyal na direktang may kinalaman sa naging desisyon ng PSC Board, ngunit tumangging pabangit ang pangalan.

Sa text message, kinumpirma ni Ramirez ang pag-abolish sa ‘discretionary fund’ ng mga miyembro ng PSC Board. Aniya, nagkakaisa ang mga bagong itinalagang opisyal sa sports agency sa isinagawang Board meeting nitong Lunes na hindi makabubuti ang naturang pondo.

Bukod kay Ramirez, ang miyembro ng Board ay sina commissioner Ramon ‘El Presidente’ Fernandez, Engr. Arnold Agustin, Dr. Celia Kiram at dating sports editor Charles Maxey.

Ang ‘discretionary fund’ ang pinagkukunan nang kaban ng PSC Board para sa kanilang personal na gastusin at nasa kamay ng PSC Chairman kung magkano ang dapat makuha ng bawat miyembro.

Sa nakalipas na administrasyon, itinaas ni dating PSC Chief Ricardo ‘Richie’ Garcia ang kanyang ‘discretionary fund’ sa P300,000.00 kada buwan, habang ang kanyang commissioner na sina Col. (ret.) Salvador Andrada, Iggy Clavecilla, Jolly Gomez at dating swimming star Akiko Thompson ay tumanggap ng tig-P200,000.00 kada buwan.

Sa kasalukuyan, napagdesisyunan ng Board na magsumite ng kanilang gastusin – programa at office supply kada buwan – nang mas maaga para mapaglaanan ng sapat na pondo.

“The Chairman wanted all the expenditures to be in advance, transparent and all accounted,” ayon sa naturang opisyal.

“I can’t say it is part of his way of cleaning the house (PSC) but rather as a way of making the agency respectable and free of corruption,” aniya.

Ang PSC ay may taunang pondo na hindi bababa sa P200 milyon mula sa General Appropriation (GA), habang tumatangap din ito nang hindi bababa sa P150 milyon mula sa remittance ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na inaasahang tataas pa sakaling maibalik ang nararapat na 5% gross income ng ahensiya.

Nakatakda ring kausapin ng PSC Board ang lahat ng opisyal ng iba’t ibang national sports associations na nasa ilalim ng Philippine Olympic Committee (POC) upang malaman ang kanilang pangangailan at opinyon para sa tagumpay nang bubuuing Philippine Sports Institute (PSI).

Halos ¾ ng kabuuang pondo ng PSC ay napupunta para tustusan ang mga atleta at programa ng mga NSA na nasa pangangasiwa ng (POC). (Angie Oredo)