Tumirada si Sen. Robin Padilla sa mga maituturing na beterano na sa tagal ng paninilbihan sa Senado na tila wala rin naman daw nagawa ang mga ito sa ikauunlad ng Pilipinas.
Ayon sa naging pahayag ni Padilla sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Mayo 30, 2026, mariin niyang binuweltang wala rin naman daw napala ang normal na Pilipino sa tagal na panunungkulan ng mga hindi niyang pinangalanang senador sa Senado.
“Kung makapagsalita ang mga paulit-ulit ng nagsisilbi sa [S]enado at nakailang termino na parang may nagawa na sila para sa ikauunlad ng Pilipinas,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Sa panahon niyo wala naman din napala ang mahihirap, manggagawa, magsasaka, mangingisda, maglulupa, at iba pang [manpower] ang kalakal.”
Ani Padilla, tila mas yumaman pa raw ang mayayaman habang mas humirap naman ang mahihirap sa panahon na nakaupo ang mga beteranong kapuwa niya senador.
“Aminin man niyo o hindi, [s]a panahon niyo yumaman ang mas mayaman, [n]aghirap lalo ang mahirap, [a]ng middle class ay natalisod pababa imbis na nakahakbang pataas, [w]ala pa rin maipagmamalaki ang common na pilipino,” aniya.
Diin pa niya, “Karamihan walang bahay. Karamihan bitin sa pangangailangang pang araw araw, [l]ubog sa utang, [n]angangapa sa mahal ng kuryente, tubig at pagkain.”
Patutsada ni Padilla, nasa mukha daw lahat ng mga beteranong senador ang mga problemang kaniyang unang nabanggit at idiniin niyang ang suweldo at mga benepisyo lang naman daw ng mga nagtatrabaho sa gobyerno ang tumaas ngunit patuloy pa rin nanlilimos ang mga normal na Pilipino.
“Lahat yan nasa mukha niyo dahil sa haba ng naging mga termino niyo. Ang tumaas lang naman na [suweldo] ay taga gobyerno at benepisyo ng mga taga gobyerno pero ang common na pilipino nanlilimos pa rin na itaas ang [suweldo] at benepisyo,” aniya.
Pagpapatuloy ni Padilla, nakailang termino na raw sa Senado ang ilang mga senador ngunit hindi pa rin daw umaabante ang isinusulong ng mga ito.
“Ako mag apat na taon na, 19th at 20th congress hanggang ngayon nag-aantay pa rin na magkaroon na ng katuparan ang mga panukala at pinangako niyo noon at ngayon sa mga manggagawa simula pa lang ng mga termino niyo,” ‘ika niya.
Anang senador, lampas na raw sa ₱18 trilyon ang utang ng Pilipinas at tila napakalaki na raw ng nagawa ng ibang mga senador sa bansa kung makapagsalita ang mga ito.
“18 trillion plus ang utang natin na walang pandemic, 65 percent ng GDP na ang utang natin, Kung makapagsalita pa rin ang ibang senador ay parang napakalaki na ng nagawa nila sa bansa,” saad ni Padilla.
Samantala, wala namang tiyak na kapuwa niya senador na binanggit si Padilla kung sino ang kaniyang pinatutungkulan.
KAUGNAY NA BALITA: Sen. Robin, ipinaliwanag ibig sabihin ng 'force majeure;' binakbakan ng netizens!