Hindi inaalis ng pamahalaan ang posibilidad na maulit ang terror attack, tulad ng nangyari sa Davao City kamakailan.
Ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, mayroon silang intelligence report hinggil sa mga banta pa sa Mindanao. Ito umano ang dahilan kung bakit nagpadala ng mas maraming sundalo sa Mindanao si Pangulong Rodrigo Duterte.
“We cannot discount the possibility na pwedeng gawin ulit, and we have reports na baka ulitin,” ani Medialdea sa isang radio interview.
“Hindi natin alam ang mga taong, as of now ano, hindi natin alam ano itong mga kapasidad nitong tao na ito, uulitin, nangtutuya lang pero ito, buhay na po ito,” dagdag pa nito.
Kaugnay nito, nanawagan si Medialdea sa taumbayan na makipagtulungan sa pamahalaan para sa pagkakaroon ng kapayapaan.
“Let’s cooperate with government para ma-attain natin iyong peace na gusto natin. Huwag na nating patagalin itong emergency rule na ito. Gusto natin makabalik kaagad tayo sa normal na pamumuhay,” ayon sa opisyal, kasabay ng paalalang huwag pa ring maalarma o magpanik. (Genalyn Kabiling)