Pabor ang Malacañang na patawan ng mas mabigat na parusa ang mga sangkot sa bomb scare.
“Ako po ay, pabor ho ako sa ganoong klaseng batas po ‘no, if only to quell itong mga birong hindi maganda ho. Dapat madisiplina tayo dito sa bagay na ito,” ayon kay Executive Secretary Salvador Medialdea, caretaker sa Palasyo, habang nasa labas ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang bomb scare at bomb threats ay kumalat matapos ang pagsabog sa Davao na ikinamatay ng 14 na katao at ikinasugat ng 70 iba pa.
Sinabi ng opisyal na hindi dapat idaan sa biro ang ‘bomba’ lalo na’t namasaker ang mga inosenteng tao sa Davao City.
Sa House Bill No. 421 ni House Deputy Speaker Miro Quimbo, hinihiling nito ang hanggang P5 milyong multa at pagkakulong ng hanggang 12-taon sa sinumang sangkot sa bomb scare. (Genalyn Kabiling)