VIENTIANE (Reuters) — Pinahupa ng mga lider ng Asia ang mga tensiyon sa South China Sea sa maiingat na salitang ginamit sa inihandang pahayag noong Huwebes, ngunit bago pa man ito inilabas ay sinabi na ng Beijing na dismayado ito sa pakikialam ng ibang bansa sa labas ng rehiyon sa iringan sa mahalagang karagatan.

Nakasaad sa pahayag na ang mga pinuno ng 10 bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), gayundin sina U.S. President Barack Obama at Chinese Premier Li Keqiang kasama ang anim pang mga lider, ay muling pinagtitibay ang kahalagahan na mapanatili ang “peace, stability, security and freedom of navigation in and over-flight” sa South China Sea.

Naging maingat ang draft ng ASEAN statement na ilalabas sa Vientiane, Laos na banggitin ang mga tensyon sa rehiyon na dulot ng magkakaribal na pag-aangkin sa mahalagang bahagi ng karagatan.

“Several leaders remained seriously concerned over recent developments in the South China Sea,” saad sa draft na nasilip ng Reuters.

Hindi binanggit sa pahayag ang desisyon noong Hulyo ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague na nagdedeklarang ilegal ang mga artipisyal na isla ng China sa South China Sea at imbalido ang mga pag-aangkin nito sa halos buong karagatan.

National

Sen. Kiko, nirerespeto desisyon ni Mayor Leni pero pinakamalakas na pambato pa rin sa 2028!

Ayon sa mga opisyal, naging maayos ang pag-uusap ng mga lider ng ASEAN at ni Li ng China. Ngunit sa pahayag na inilabas kalaunan ng Chinese Foreign Ministry, sinabi diumano ni Li na handa ang Beijing na makipagtulungan sa mga bansa sa Southeast Asia “in dispelling interference ... and properly handling the South China Sea issue”.

Ang ASEAN ay binubuo ng Vietnam, Pilipinas, Malaysia, Cambodia, Indonesia, Laos, Myanmar, Singapore at Thailand.

Dumalo rin sa summit ang mga lider ng Australia, China, India, Japan, New Zealand, Russia, South Korea at United States.