CHALLENGED si Jake Vargas sa bago niyang afternoon prime drama na Oh, My Mama na kasalukuyan nang nasa production dahil gaganap siyang bad boy. Parang hindi namin maisip si Jake na napaka-gentleman, napaka-gentle ding magsalita ay gaganap ng ganitong role.
“Medyo nagulat nga po ako nang sa story conference namin iyon ang sinabi nilang role na gagampanan ko,” kuwento ni Jake. “Pero gusto ko rin namang magampanan ang ibang character kaysa lagi kong ipinu-portray na mabait, kaya sige, wala po akong reklamo. Gaganap po ako ritong isang miyembro ng sindikato na wala raw akong kinatatakutang gawin, sabi ni Direk Neil del Rosario.
“Sa ngayon po, medyo naninibago pa ako sa taping namin, pero thankful po ako sa suporta sa akin ng mga kasama ko at ni Direk Neil. Kahit sa pagsasalita ko, brusko dapat ang dating, isa pa iyon sa pinag-aralan ko sa workshop namin.”
First time magtatambal sina Jake at Inah de Belen at first time din nilang nagkakilala nang personal noong story conference, pero maganda raw agad ang vibes nila sa isa’t isa.
“Sa story po, si Inah ang magiging dahilan kung paano magbabago ang character ko, pagbabaguhin siya ni Maricel (Inah). Kaya po excited din ako, kasi magbabago rin naman pala ang character ko.”
Makakasama nina Jake at Inah sina Jeric Gonzales, Ashley Ortega, Phytos Ramirez. Sila ang papalit sa matatapos nang Magkaibang Mundo. (Nora Calderon)