DAHIL sa patuloy na pagnipis ng energy supply o elektrisidad, hindi na dapat magpatumpik-tumpik ang gobyerno upang isaalang-alang ang pagpapaandar ng Bataan Nuclear Power Plant (BNPP) na halos apat na dekada nang nakatayo sa naturang lalawigan. Hindi miminsang iniulat na maraming mga eksperto sa gayong planta ang nagpatunay na ang BNPP ay nasa maayos na kondisyon at ligtas sa panganib kung iyon ay pagaganahin ngayon; sinasabing ito ay makatutustos sa kakapusan ng elektrisidad na madalas na nagiging dahilan ng mga brownout sa iba’t ibang panig ng kapuluan, lalo na sa Luzon.
Kung hindi ako nagkakamali, maging ang pamunuan ng Department of Energy (DoE) ay naniniwala na ang nabanggit na planta ay dapat lamang suriin kaagad upang matiyak ang kaangkupan nito sa paglutas sa krisis sa kuryente. Sa pamamagitan ng mga dayuhang eksperto sa mga nuclear plant, lalong matitiyak na ang BNPP ay makasasagip sa energy problem ng bansa.
Nakalulungkot na ang nasabing planta na ginastusan ng bilyun-bilyong dolyar ay nananatiling “white elephant” sa panig na iyon ng Luzon. Nagkataon na iyon ay ipinatayo ni dating Presidente Ferdinand Marcos mula sa pondo na inutang pa sa dayuhang financial institution.
Sa pagtalakay sa “ama” ng nasabing proyekto na maliwanag na mistulang pinabayaan dahil sa pulitika, hindi na natin sasalangin ang masalimuot na mga protesta at kontra protesta na nakasalang sa Korte Suprema.
Manapa, makabubuting ilahad na lamang natin ang mga detalye ng konstruksiyon ng BNPP, batay sa nakasaad sa mga ulat. Sinasabi na walang magiging problema sa pagpapaandar ng naturang planta dahil nga sa maayos at ligtas naman ang pagpapatayo nito; may mga kakambal umano ito sa mga nuclear plant na matagal nang nakatayo at pinakikinabangan sa United States at sa iba pang bansa sa Asia. Ibig sabihin, ang modelo ng BNPP ay katulad ng umiiral na mga planta sa naturang mga bansa. Ang pagkakaiba nga lamang, ang nasabing mga planta ay matagal nang pinakikinabangan samantalang ang BNPP ay “natutulog” pa hanggang ngayon.
Sa kabila ng mga positibong obserbasyon ng mga nuclear expert at ng mga pagtutol sa BNPP na bunsod ng kamandag ng pulitika, wika nga, marapat lamang subukan ang pagpapaandar ng nasabing planta upang mapawi ang mga agam-agam na ito ay magdudulot ng panganib sa atin; at upang matiyak na ito ay epektibong panustos sa krisis sa elektrisidad.
(Celo Lagmay)