EMOSYONAL si Devon Seron nang pumirma ng four-movie contract sa Regal Films bilang bagong Regal Millenial Baby nina Mother Lily Monteverde at Roselle Monteverde-Teo.
Ngayon lang kasi uli siya makakagawa ng pelikula pagkalipas ng anim na taon simula nu’ng lumabas siya sa Bahay ni Kuya bilang kasama sa Pinoy Big Brother Teen Clash Edition 2010.
Ang unang pelikula ni Devon sa Regal ay ang Pwera Usog na isang horror film.
Pero kahit walang pelikulang ginawa o nagawa si Devon sa Star Cinema ay nagpapasalamat siya nahindi siya nawawalan ng trabaho sa TV.
“Tiis-tiis lang naman po at thankful po ako kasi nakakapag-provide pa rin ako sa family ko maski paano,” sabi ni Devon.
Tulad ngayon, kasama siya sa Be My Lady nina Daniel Matsunaga at Erich Gonzales at ka-love team niya si RK Bagatsing.
Si Devon ang unang naging ka-love team ni James Reid, noong nasa loob sila ng Bahay ni Kuya, pero naudlot nang makalabas na sila at okay lang daw iyon sa dalaga.
Sa katunayan, masaya siya sa magandang career ngayon ng aktor at ng partner nitong si Nadine Lustre.
“Happy ako sa kanya kasi baka may dahilan naman kaya hindi kami at baka hindi rin okay kung ako. Saka ‘yung mga blessings niya ngayon ay dahil din sa partner niya (Nadine),” say ni Devon.
Hindi pa nakikilala ni Devon si Nadine dahil sandali lang silang nagkita, “First time ko lang din po nakita in person si Nadine at maganda po, morena.”
Sa edad na 22, hindi pa naranasan ni Devon na magkaroon ng boyfriend at habang ikinukuwento niya ay panay ang lingon niya sa likod niya dahil, “Nandiyan si Mother, very strict, ha, ha, ha,” natawang sabi sa amin.
Ang magandang katwiran ni Devon kaya ayaw niyang magka-boyfriend, “Marami pa kasi akong gustong gawin po sa buhay at saka baka hindi ko ma-handle ang career at lovelife if ever.”
Pero, marunong naman siyang tumingin sa guwapo dahil ang mga crush niya ay sina Sam Milby, Enchong Dee, Piolo Pascual, Coco Martin, at hoping siya na makatrabaho rin ang mga ito.
Anyway, hindi pala ligawin si Devon, hindi kaya tomboy siya?
“Marami po akong friends na boys, baka kasi isip nila, I’m one of the boys, pero hindi po ako tomboy.”
Pero humahanga si Devon sa kapwa niya babae, “Kasi like sobrang ganda, iba ang beauty tulad nina Liza Soberano, Bea Alonzo, Ylona Garcia, iba ‘yung beauty nila, pero hindi po ako tomboy,” diin pa ng dalaga. (Reggee Bonoan)