POLOMOLOK, South Cotabato – Pinaigting ng pulisya ang seguridad sa Polomolok kasunod ng pagpapasabog ng granada sa bahay ng bise alkalde ng bayan nitong Sabado ng gabi.

Sinabi ni Polomolok Police Chief Supt. Giovanni Ladeo na walang nasaktan sa pagsabog ng granada sa bakuran ni Vice Mayor Eleazar Jovero sa gilid ng national highway sa Barangay Pagalungan, pasado 9:00 ng gabi nitong Sabado.

Batay sa salaysay ng mga testigo, sinabi ni Ladeo na dalawang hindi nakilalang suspek ang namataang magkaangkas sa motorsiklo habang papatakas ilang segundo matapos ang pagsabog.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pag-atake, matapos sabihin ni Jovero sa mga imbestigador na wala siyang natatanggap na banta sa kanyang buhay bago ang insidente.

Probinsya

64-anyos, natagpuang patay sa dalampasigan sa Samar

Bukas naman ang awtoridad sa posibilidad na ilang grupo ang posibleng nagsamantala upang maghasik ng takot kasunod ng pambobomba nitong Biyernes ng gabi sa Davao City, na ikinamatay ng 14 na katao at ikinasugat ng 71 iba pa.

Nauna rito, pinasabog din ang transmission tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa Bgy. Kitulaan, Carmen, North Cotabato dakong 6:00 ng gabi nitong Sabado, ayon sa media reports.

Napaulat na hindi naapektuhan ng pagsabog ang pasilidad. (Joseph Jubelag)