Tumulong na nga, napahamak pa.

Maituturing na isang bayani ang isang lalaki matapos ialay ang kanyang buhay sa pagliligtas sa isang negosyante mula sa tatlong holdaper sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.

Dead on the spot si Arnold Ramos, 41, ng 1968 Luzon Avenue, Sampaloc, Maynila dahil sa tinamong tama ng bala sa tagiliran at likod, habang nasugatan at kasalukuyang inooperahan sa isang ospital si Hector Roldan, 60, ng Poblacio Victoria, Oriental Mindoro.

Sa report ni SPO1 Bernardo Cayabyab, imbestigador ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), na isinumite kay Homicide chief Police Sr. Insp. Rommel Anicete, dakong 2:25 ng hapon nangyari ang panghoholdap at pamamaril sa tapat ng Dynamic R. Parts Center, na matatagpuan sa 2333 Old Antipolo Street, sa kanto ng T. Mapua St., Sta. Cruz, Manila.

Akbayan, De Lima 'di apektado sa pagtutol ni PBBM: 'Kailangang manaig ang batas!'

Nauna rito, hinihintay umano ng mga biktima ang mga biniling piyesa sa naturang establisimiyento, nang bigla na lang lapitan si Roldan ng isa sa mga suspek at nagdeklara ng holdap.

Hinihingi umano ng suspek ang mga gintong bracelet at kuwintas ni Roldan, gayundin ang bitbit niyang sling bag, ngunit tumanggi ang negosyante na dahilan upang siya’y barilin sa tiyan.

Pinipilit ng suspek na makuha ang mga gintong alahas at sling bag ng biktima at dito na umano tumulong si Ramos at nilabanan ang holdaper.

Sa kasamaang-palad, pinagbabaril ng holdaper si Ramos na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Hindi nakuha ng holdaper ang sling bag na naglalaman ng P150,000 cash, mga identification (ID) card, at cellphone, at mabilis na tumakas sakay ng Nissan Sentra, na may plakang UEW-804, kasama ang dalawa pang kasamahan.

Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga pulis upang maaresto ang mga suspek. (MARY ANN SANTIAGO)